Posted by Whang | Posted in buhay pinoy, ilusyon, insane thoughts, puna, tadhana't kapalaran, teritoryo, tiratira kaya natin 'yan, waiter | Posted on Sabado, Disyembre 11, 2010
Napangiti siya habang tinitingala ang bunga. Aba, matagal din niyang inalagaan ang punong 'yun. Taon din ang binilang niya bago siya nakakita ng bunga. Ngayon makukuha na niya ang gantimpala sa paghihirap.
Excited na siya! Hindi paman nakukuha ang bunga mula sa taas ng puno, iniisip na niya kung anong ipampapares rito. Ano nga ba? Kung asin kaya? Asin na may halong sili para medyo maanghang? Bagoong? Kahit naman siguro balatan lang niya, ayos na 'yun!
Dali-dali siyang umakyat sa puno. Pero di niya parin abot ang bunga. Bumaba ulit siya, naghanap ng panungkit, nagkamot ng ulo nang walang makita. Naisipan niyang maghiram na lang sa kapitbahay. Hindi naman siya nabigo.
Muli niyang inakyat ang puno. Sinungkit ang mangga. Matibay ang pagkakakapit nito sa tangkay. Para bang sinasabi nitong "wag mo muna akong kunin, hindi pa naman talaga ako hinog". Pero determinado siya. Nilakasan pa niya ang sundot sa bunga.
Pagkatapos...
Ayun! Nahulog din! Doon nga lang nag-landing sa kalsada. Napailing siya. Bakit nga ba hindi niya nakalkula 'yun? Di bale, lalabas nalang siya ng bakuran para kunin 'yun. Pero bago paman siya makababa sa puno nakita niya ang paparating na ten wheeler. Masasagasaan nito ang bunga ng manggang pinananabikan!
Nanlaki ang kanyang mga mata. Gusto niyang sumigaw ng "Hinto!" pero huli na ang lahat. Wala na. Pisat at wasak na ang pinakamamahal niyang mangga.
Napabuntong-hininga na lamang siya. Napapailing. Napatingalang muli sa taas ng puno. Naghahanap ng bunga. May nakita siya! Pero kailangan pa niya itong hintaying mahinog.
Tama. 'yun nalang ang gagawin niya. At sa susunod mas magiging maingat na siya! Pramis.
Comments (0)
Mag-post ng isang Komento