read the printed word! Proudly Pinoy!

Daredevil Dairyel

0

Posted by Whang | Posted in , , , | Posted on Biyernes, Agosto 12, 2011



Noong isang araw ko pa gustong magsulat pero wala akong masabi hanggang sa naka-kwentuhan ko kanina ang isang bagung kaibigan. Tawagin natin sya sa pangalang Daredevil Dairyel. Sa ganoong pangalan daw kasi nya ipinakilala ang sarili nya sa buong klase nung sinabi ng Accounting Prof nila na magpakilala gamit ang isang adjective. (Risk-taker daw kasi sya!)

Hindi ko rin alam kung paano kami naging magkaibigan o kung kailan nagsimula ang pagkakaibigan namin. Basta isang araw bigla nalang syang pumasok sa tambayan ko ng walang Sali-salita, sabay higa sa sulok ng higaan ko, saka mabilis na isinubsob ang mukha sa unan ko na hindi ko pa napapalitan ang cover.

“Oi girl, wag yan. Hindi ko pa nalalabhan yan!” sabi ko. Syempre nahiya naman ako.

Noon ko lang napansin na umiiyak na pala sya. Break na daw kasi sila ng boypren nya. Naiiyak sya dahil sa galit, hindi sa lungkot. Tahimik lang akong nakikinig sa kwento nya. Inosente naman kasi ako pagdating sa mga ganoong paksa. 

Mula noon napadalas na ang tambay niya sa tambayan ko kasama ang dalawa pa naming ka-boardmates. Noong una hindi ko inakalang magkakasya kami sa maliit na espasyo sa loob ng lungga ko. Nagkasya kami dun, masikip nga lang kaya nagpasya kaming dalhin ang kwentuhan sa labas. (Ano ba naman kasing ginawa ng Padis Point?) doon ko nadiskubre na marunong naman pala akong sumayaw! (iisang step nga lang)

Talon. Talon. Talon…

Nasundan pa ng ilang gimik at jammings ang tagpong iyun… hanggang kanina…

Nagyaya na naman silang tatlo na gumimik, pero umiral na naman ang katamaran ko. Isa kasi akong malaking panatiko ng katahimikan (kahit hindi halata sa mga metal na tugtugin na naka-save sa playlist ko) kaya mabilis akong nagsawa sa ingay sa gimikan.biglang na-miss kong maglakbay sa pamamagitan ng pagbabasa at dumaldal gamit ang pagsusulat..

Hindi nila ako napilit na sumama pero nakapag-kwentuhan muna kami ni Daredevil Dairyel bago nya ako iniwan sa munti kong lungga. Naipabasa pa nya sa akin ang journal nya na limang taon na ang tanda. Gusto ko din sanang i-share sa kanya ang dati kong journal pero inunahan ako ng hiya. Ano naman kasi ang makukuha nya pag nabasa nya doon kung paano ko namura sina Hellboy at Elektra?
 
Balik tayo sa journal nya… 

Heto ang iilang pirasong napulot ko mula sa pagbabasa dun:

“Madalas gusto ng tao na maging espesyal--- isang antas ng pagiging espesyal na isang espesyal na tao lang ang makapagbibigay.”

“Everyone is a Daredevil, (risk taker)…  others just don’t know it yet.”

Hindi ko tuloy napigilang maalala ang isang status ng kaibigan ko nun sa FB…

“Take the risk and say at least I tried. Or do nothing and spend your whole life wondering what could have been the outcome if you took the risk…”

Isang Pahina Para Kay Miss Corazon

0

Posted by Whang | Posted in , , , | Posted on Miyerkules, Agosto 3, 2011

Si Miss Corazon?
Hindi ko sya nakasama ng ganoon katagal.

Kilala ko lang sya sa pangalan noong bata ako. Madalas ko kasing marinig ang pangalan nya lalo na tuwing may dumadating na package sa bahay galing Amerika.

High school na ako nung una ko syang makita ng personal. Halos kasing-height ko lang pala ang taong taong tinitingala ng marami naming kamag-anak at kakilala doon. Kapatid pala sya ng lola ko na higit siyam na taon nang nanirahan sa ibang bansa. Bago iyun ilang taon din muna syang nanirahan at nagtrabaho sa Maynila. Kaya pala noon ko lang sya nakita.

Librarian si miss Corazon bago sya nag-abroad. Ni hindi ko nga alam na siya pala ang may-ari nung sangkatutak na libro sa bahay ng lola ko na kinatutuwaan ko namang basahinmula noong elementary. Hanggang ngayon nandoon parin sa iisang aparador ang mga libro niya--- naghihintay basahin ng kung sino.

Nasa dugo ni Miss Corazon ang pagiging guro kaya kahit retirado na, madalas nyang tipunin sa bahay ang mga pinsan ko para turuan ng kung anu-anong kantang pambata. Minsan pa nga pinilit pa nya akong sumali sa kantahan nila kaya mula nun nagpapanggap na akong busy tuwing may kausap na syang bata.

Baa Baa Black Sheep
Have you any wool?
Yes sir, Yes sir, three bags full…

Isa yan sa mga paborito nyang ituro sa bunso kung kapatid… with matching actions pa yan!

“Don’t do for tomorrow what you can do for today.”

Yan naman ang paborito nyang sabihin sa akin--- tipong four times a week. Ewan ko ba. Likas yata kasi ang takteng katamaran sa katawan ko. 

Ilang buwan ko ring nakasama sa iisang bahay si Miss Corazon. Sa ilang buwan na yun, marami akong narinig na kwento tungkol sa samu’t saring karanasan nya sa buhay. Marami rin akong nakuhang sermon at pangangaral. (Syempre, pwede ba namang wala?) Pagkatapos nun, matagal kaming hindi nagkita pero tanda ko pa na pilit pa nya akong tinutulungan nung mga unang taon ko sa kolehiyo.

Kahit may edad na, malakas at mahilig paring bumiyahe si Miss Corazon. Kaya nga laking gulat ko nung makita ko sya noong isang taon. Kagagaling lang nya sa sakit nung dinalaw ko sya. Nakakagulat ang biglaang pagbagsak ng katawan niya… pati alaala nya bagsak din. Hindi na kasi nya kami nakikilalang bigla pagkatapos nyang ma-stroke. Bakas sa mukha nya ang panghihina pero hindi parin nawala yung ngiti sa labi nya na madalas kung makita noon tuwing nagtuturo sya.
Nilapitan ko sya, kinamayan, sabay tanong kung kilala pa nya ako. Ngumiti lang sya, pinisil ang kamay ko, ngumiti ulit, hindi nya maalala kung sino ako kaya hinalikan na lang nya ako sa pisngi sabay tanong ng “Kumusta sa inyo?”

Ngayong araw lang natanggap ko ang balita na tuluyan nang namaalam si Miss Corazon--- isa sa mga taong pinagkautangan ko ng loob at humubog narin sa katauhan ko. Maiksi man ang pinagsamahan namin, hindi na mabubura ang mga bakas ng alaala na iniwan nya…

Maraming salamat…

Isang espesyal na pahina at maraming patak ng luha para kay Tiya Coring… 



Watashi No Yuujin Sayoonara

5

Posted by Whang | Posted in , , , | Posted on Miyerkules, Hunyo 29, 2011



Mahirap kalimutan ang bawat araw na pinagsamahan natin...

Ang bawat laban na magkasama nating naipanalo at naipatalo...

ang bawat kwento na sabay nating tinandaan...

ang mga hindi mababayarang pagod at pawis...

ang mga walang katumbas na kaligayahan at minsan kalungkutan na magkasama nating pinagdaanan...

ang mga hindi natatapos na kwento ng pag-ibig na sabay nating ikinuwento sa iba...

ang mga gabing sinamahan mo ako sa aking pagpupuyat...
nanatili kang gising para sa akin habang tulog na ang lahat...

ang mga di mabilang na pagkakataon na sabay tayong nagtampisaw sa dagat ng mga alaala...

ang bawat pagsusulit na sabay nating sinagutan...

ang ilang liham ng pag-ibig na sabay nating ginawa...

ang mga maiiksing tula na sabay nating sinulat at ilang beses pa ngang binura at pinalitan ng linya...

ang iilang kalokohan na hindi ko maipapalaganap kung hindi dahil sa tulong mo...

sabi nila ikaw daw ang sunod-sunuran kong sundalo...
at ako naman ang makakalimutin mong amo...

pero para sa akin hindi ka lang isang mabuting kaibigan...

ikaw ay isang karamay...

kabahagi ng aking bawat karanasan

at sa mga oras na ito, ikaw ay isang inspirasyon...

mapa-galit, galak, tuwa, takot, saya, naroon ka kasama ko...

isa kang magaling na taga-kwento

naipaparating mo sa iba ang hindi nasasabi ng bibig ko...

Astig ka! Isa kang ekstensyon ng utak ko...

madalas napapabayaan kita...

kaya kung minsan pinagtataguan mo ako... tinatakasan... iniiwan...

at ngayon iiwan mo na naman ako...
hindi dahil napabayaan na naman kita kundi dahil kailangan mo nang mamaalam talaga...

alam ko, nararamdaman ko, nakikita ko...

ito na ang huling kwentong pagsasaluhan nating dalawa...

hanggang sa huli mong lakas hindi mo ako iniwan kaya malaki ang aking pasasalamat kaibigan...

naghihingalo ka na... Paubos na ang iyong tinta...

Paalam tapat kong bolpen...

Hanggang sa susunod na pagsusulat ng mga halos walang kwentang katha ^^


Mabuhay!!!








Happy Father's Day Otousan

2

Posted by Whang | Posted in , , | Posted on Lunes, Hunyo 20, 2011



hindi lang ako anak ng nanay ko, anak din ako ng tatay ko...

alam ko na ang sasabihin ng tatay ko pag nabasa nya to... "Whang late ka na naman!"... lels!
Kung bakit kasi ilang beses hinarang ng "no internet connection" ang post na 'to...

Eh gusto ko lang naman sabihin sa Papa ko na...

Pa, kahit pa madalas hindi mo ako pinapayagang maligo ng dagat kasama ang mga ka-klase ko dati...

Kahit madalas naiinis kami noon tuwing inuutusan mo kaming tumulong magtanim ng palay, ng kalabasa, ng pakwan, ng monggo, ng mais at ng kung anu-ano pa sa bukid...

Kahit madalas tayong magtalo noon, kasi gusto ko Power Rangers, pero nililipat mo ang channel sa PBA. (Muntikan ko na ngang kamuhian sina Paras, Jawo, at Balingit nun!)...

Kahit pa palagi kang nagre-request ng action movies pero kapag naka-play na tinutulugan mo naman...

Kahit pa madalas kang nagyayayang manood ng UFC pero tinutulugan mo kami na niyayaya mo...

Kahit pa madalas mong binabagsak ang pangalan ko tuwing sinusuway kita...

Nais ko paring magpasalamat dahil naranasan ko ang hindi naranasan ng marami. (ang magtanim ng palay, ng kalabasa, ng pakwan, ng monggo, ng mais at ng kung anu-ano pa sa bukid...) Nakaka-miss rin kaya yun! Yung nagha-harvest kami ng pakwan habang bumabagyo, yung nagpaparamihan kami ng kapatid ko ng rows na nataniman ng mais. Tapos mauuwi sa payabangan ang paramihan, tapos sa asaran, hanggang sa batuhan ng kung anu-ano. Ending, pareho kaming may sermon... ^.^

Nagpapasalamat ako, kahit hindi ka natutong manood ng Power Rangers (natuto talaga?...lol) kasama naman kita sa bawat nood ko noon ng "Lupin III"... Yatta!!!

Nagpapasalamat ako dahil natuto akong manood ng basketball... lels (sabi sayo magcha-champion ang Dallas ngayong season na to eh!!)

Nagpapasalamat ako sa bawat patak ng pawis (choooos), sa bawat salita na nagsilbing gabay (oo, pati na yung pabagsak na pagtawag ng buo kong pangalan!)...

Salamat sa pagsama sakin umakyat ng bundok mapagbigyan lang ang trip ko... lels

At sorry dahil kahit madalas mo ako hindi pinayagan, lagi parin akong nakakasama sa mga outing kasama ang mga ka-klase ko ^.^

Thanks for being the best.... Proud to be your daughter....

HAPPY FATHER'S DAY PAPA!!!

Mabuhay!!! ^^





Pasensya na Kung Tinugis at Pinaslang Kita!

9

Posted by Whang | Posted in , , , | Posted on Linggo, Hunyo 5, 2011




Ilang minuto na lang at hating-gabi na...
Katawang pagod ay dahan-dahan nang inihiga...

Mga mata ko'y mariing ipinikit...
Ang buong akala'y ligtas na sa pag-iisip...

Subalit nariyan ka na naman. Ikaw at ang iyong alaala. 
Nariyan ka na naman para guluhin ang mapayapa kong gabi. Nariyan ka na naman para guluhin ang aking isipan...

Matagal na akong nangako...

Nangakong hindi na...

Hinding hindi na...

Hinding hindi na ako magpapaapekto sa presensya mo...

Sinikap kong bale-walain ang nararamdaman...
Sinikap kong makatulog...

Ngunit sadyang ikaw ay mapaglaro!

Kasabay ng tik-tak ng orasan na nakasabit sa dingding ay ang 
unti-unting paglakas ng iyong mga mumunting bulong sa sensitibo kong tainga...

Hindi kita maiwasan...
Hindi kita makalimutan...

Siguro nga'y isa ka nang bilanggo sa aking isipan...

Maya-maya pa'y nagsimulang dumampi ang manipis mong katawan sa aking braso...

Ngalingali akong bumangon. Bahagyang nayamot sa sarili...

Bakit ba kasi kita hinahayaang guluhin ang utak ko ng ganito?
Bakit ba hinahayaan kitang mamalagi ng ganito katagal sa mundo ko?

Matagal na kitang pinatay...
Bakit kailangan mo pang magbalik?

Binuksan ko ang ilaw at...

Ayun...

Nakita rin kita...

Wiset kang lamok ka...

Katapusan mo na!!!

PAAAAK!!!





Makulit Mangulit

0

Posted by Whang | Posted in , , , | Posted on Sabado, Hunyo 4, 2011



Sa tiangge...

Whang: (pumasok sa isang store at tumitingin ng magandang T-shirt)

Tindera: (bumubuntot) T-shirt Ma'am? Pili na po. May ibang kulay pa po yan. Marami pa po nyan sa loob.

Whang: (may nagustuhang kulay ng T-shirt. Kinuha ang T-shirt para basahin ang naka-print)

Tindera: Gusto nyo yan Ma'am? Bibilhin nyo na po? Bilhin nyo na po, bagong labas lang yan. Tyaka maganda po yan Ma'am, hindi mainit suotin.

Whang: (ibinalik ang T-shirt sa pinagkuhanan. Hindi nya trip ang linyang naka-print, corny. Akmang palabas na ng store.)

Tindera: (bumubuntot parin) Kunin nyo na po yung T-shirt Ma'am, mabenta po yun. Baka sa susunod na balik nyo wala na kaming ganun.

Whang: (pilit nagpakawala ng matamis na ngiti) wag nalang po muna.

Tindera: (sumimangot ng bahagya) Ano po bang gusto nyo Ma'am? Meron pa kaming ibang design dito. Shorts po, baka gusto nyo. Meron din po kaming pantalon. Ano po bang hanap ninyo Ma'am?

Whang: kapayapaan at pagkakaisa po!








Naalala Mo Ba ang Naalala ko B2?

6

Posted by Whang | Posted in , , , | Posted on Miyerkules, Hunyo 1, 2011


Summer iyon. Katatapos lang mananghalian nina B1 at B2 kasama sina Tao at Mami. Papasok na sila sa gate ng unibersidad nang maalala ni B2 ang problema.

"Hindi ako papapasukin ng guard. Naka-sandals ako eh," nag-aalala nyang sabi. Bawal kasi sa school nila yung hindi naka-close shoes. At kung naka-close shoes ka na, bawal naman ang hindi black.

Sabay silang lahat na napatingin sa paa ni B2.

"Hindi bale, black naman yang sandals mo," biro ni Mami.

Si Tao naman, mabilis na nag-isip ng strategies kung paano sila makakapasok nang hindi nasisita.

"Dasal nalang tayo na sana hindi mapansin ni Manong Guard. O kaya sana tamarin syang manita," si Tao.

Walang umimik.

"Eh kung dumaan nalang kaya tayo sa daanan ng mga walang I.D?" si Tao ulit.

Tahimik na nag-isip ang lahat. May sekretong daanan kasi ang mga walang ID papasok sa school grounds (na hindi na masyadong sekreto ngayon...lol). Pwede! Pwede narin sigurong dumaan doon ang estudyanteng walang sapatos... ^^

"Bakit ka ba kasi naka-sandals?" biglang tanong ni B1.

Sumimanot si B2. "Kasi yung sapatos ko parang konting lakaran nalang mamamaalam na sya kaya itinago ko muna sa locker doon sa taas para magamit ko pa bukas. Wala pa kasi akong pambili ng bago."

"Eh di yan na lang ang sabihin natin kay Manong Guard."

"Hindi pwede. Baka kasi kumpiskahin nila tong sandals ko tapos hindi narin nila ibabalik. Sira na nga sapatos ko mawawalan pa ako ng sandals."

Sabagay, may punto kasi si B2. May nangyari na kasing ganoong kaso na hindi na sinauli ng DSA officer yung nakuhang sandals ng isang babaeng estudyante. Sinubukan pang magdahilan nung estudyante (kasi Natasha yung sandals nya... may kamahalan din yata). Pero sagot nung DSA officer, "Bakit? Sa customs kapag may nakumpiska, sinasauli ba nila?"

Haaaay! Napapa-iling nalang si B1 tuwing naaalala nya yung tagpong yun. May pa-customs-customs pa kasing nalalaman, eh yung ibang nakumpiska nila binabalik naman sa may-ari. Naisip nalang nya baka magka-size yung estudyante at DSA officer kaya ayaw nang ibalik yung sandals! Pwedeee!

Mabilis silang nakarating sa Chowking. Iisa ang direksyon ng tingin nila nang makapasok doon--- sa glass door na papunta sa loob ng school. Pero may problema na naman.

"Anak ng! Sinabi ba sa horoscope mo kanina na mamalasin ka ngayong araw B2?" pabirong tanong ni Mami.

May guard na nakabantay malapit sa pinto. Pati si Tao nagulat. Noon lang kasi nagkaroon ng bantay doon.

"Pahiramin nalang natin ng sapatos si B2. Dalawa muna ang papasok. Tapos babalik ang isa dala ang sapatos nung isa," suhestiyon ni Tao.

"Ako na magpapahiram. Magka-size naman kami ni B2 eh," presenta naman ni B1.

Kaya nagmadaling pumasok ng school si B1 kasama si Mami. Nagtago pa sya sa likod ng isang kulay itim na SUV bago hinubad ang sapatos at inabot kay Mami. Ilang sandali pa, mag-isa na lamang sya sa pinagtataguan.

Inabala nya ang sarili sa pagte-text habang hinihintay ang tatlo. Kampante sya na walang nakakita sa kanya nang magtago sya roon kaya naman laking gulat nya nang matuntun ni Manong Guard ang pinagtataguan nya. Dala-dala na nito ang I.D. ni B2...

Lagot na! naisip ni B1.

"Psst hoy! Halika rito. Akin na ang I.D. mo. SApatos mo ba to?" Sunod-sunod ang tanong ni Manong Guard habang itinaas ang dalang sapatos. Pagkatapos, "Ayos kayo ah, tara, sa DSA kayo magpaliwanag."

Nakakaloko pa yung ngiti ng guard. Akala mo nakahuli ng kriminal. Umani ito ng irap mula kay B1.

Pero at least ginagawa nya ang trabaho nya, naisip niya.

"Ano ba naman, ilang taon na kayong pumapasok dito, hindi nyo pa ba alam ang rules?" simula nung babaeng masungit na naka-ponytail ang buhok. "At ikaw, akala mo ba nakakatulong ka sa ginawa mo?" baling nito kay B1.


Hindi sanay manahimik si B1 pero hindi sya sumagot. Inaalala nya kasi si B2. Hindi ito sanay magkaroon ng record sa DSA, hindi kagaya nya na ilang beses nang nahuling lumabag sa kung anu-anong rules. Kung sasagot sya posibleng bibigat pa ang parusa nila.

"Ibig sabihin naka-medyas ka lang habang hinihintay mo silang maka-pasok?" mataray na tanong nung babae kay B1. Mukhang pinag-iinitan na sya nito. Matatalim kasi ang mga tingin na ipinukol nya rito.

"Sumagot ka!" singhal nito.

Tumango lang si B1. Pero sa loob nya, Putek! Malamang! Eh nasa kanila nga yung sapatos ko di ba?

"Wow grabe ka! Paano kung biglang dumating si pangulong Arroyo tapos makita ka nyang nakatayo sa sulok na naka-medyas lang!"

Tahimik parin si B1 pero sa loob-loob nya, Huwag mo nga akong pinaglololoko! Nasa Amerika si Gloria, paano sya mapupunta rito?

"Ikaw, hindi mo ba alam na bawal ang sandals? O talagang matigas lang ang ulo mo?" si B2 naman ang kinakausap nito. Sinabi ni B2 ang dahilan nya habang mabilis na namuo ang luha sa mga mata. Lalo namang yumabang yung babae.

Sunod-sunod ang pag-iling ng babaeng taga-DSA. Pagkatapos, "Maam, anong punishment ang ibibigay ko dito sa dalawang to?" tanong nito sa isang may edad nang babae sa tabi nya. Mukhang busy ito.

"Bahala ka na."

"Two days suspension na to ma'am," mayabang nitong sagot habang nakatingin at nakangiti kay B1.

Suspension? Eh bakit yung kasabay namin na nahuli ring naka-sandals pinabili lang ng halaman?

"O narinig nyo? Suspended kayo ng dalawang araw!"

Magrereklamo pa sana si B1 nang biglang magsalita si B2. "Ma'm baka naman pwedeng bumili nalang rin kami ng halaman?"

Ngumiti ang babae. "Anong halaman ang bibilhin nyo? Baka naman bigyan nyo kami ng puro dahon ha? Yung namumulaklak naman ang bilhin nyo."

"Sige po basta wag lang suspension," si B2.

"O sige. Tig-iisa kayong halaman. Dalhin nyo bukas para makuha nyo tong I.D. nyo."

Gago ka! Gusto mo lang pala kaming magmakaawa! Dalhan kaya kita ng kalabasa? Namumulaklak pala ha! sigaw ulit ng utak ni B1.

Saglit na tumayo ang masungit na babae. May kinuhang kung anong form sa kabilang mesa. Hindi sinasadyang mapatingin ni B1 sa paa nito. Napataas ang kilay nya.

NAKA-TSINELAS SI GAGO!!!





Binong Is Da Man

5

Posted by Whang | Posted in , , , , | Posted on Martes, Mayo 31, 2011



Iba talaga ang moment na hatid ng ulan. Habang bumubuhos kasi ang malakas na ulan, nanunumbalik ang samu't saring alaala na ilang taon na ring tahimik na nahimlay sa memorya ni Whang... (haist, emo talaga!... ^^)

Kusang nagbalik ang isipan nya sa pinapasukang unibersidad pitong taon ang nakaraan.

Mag-isa syang napangiti. Naalala nya kasi sina Binong, Beheng, Tao, at Mami --- mga ka-tropa nya noong college. Naalala nya yung mga panahong hindi pa sila mga enhinyero at hindi pa Whang si Whang.

Nagpaparamihan pa sila ng INC at 4.00 noon. Yung singko pilit at palagi nilang iniiwasan pero may mga pagkakataon talaga na hindi sila nakaka-ilag...

Si Binong lang ang laging pasado. Palibhasa ipinanganak nang may calculator at T-square sa magkabilang kamay... lol. Sya yung tipong kahit saan mo ilagay, nangunguna. Mapa-advanced math, engineering drawing, PLC programming, memorazation ng dates at events sa history, maging sa inuman!... lahat na!

Noong minsan hindi alam ni Whang kung bumilib sya o nainggit lang kay Binong. Yun kasing equation na buong gabi nyang sinubukang sagutan, na-solve kaagad nito ng wala pang tatlumpong minuto. Bangis!

Kaya hindi nya naiwasang mangarap na sana (kahit konti lang...) maging kasing-utak naman sya ni Binong para magkaroon naman ng saysay yung pagputol sa puno na ginawang papel na pinag-print-an ng grades nya! Whew!

Mabuti nalang hindi mayabang si Binong sa kabila ng katalinuhan. Higit sa lahat, mabuti nalang at hindi sya madamot. Nagpapa-kopya kasi sya. Pero hindi sya basta nagpapa-kopya dahil pinapaintindi nya sa kumukopya yung kino-kopya nila. Minsan nga mas natututo pa sina Whang sa kanya kaysa sa mismong guro... Peace! ^^

Napabuntong-hininga si Whang. Pansamantalang naputol ang pag-e-emote nya. Hindi sinasadyang napasilip sya sa bintana. Ambon na lang ang kanina'y malakas na ulan. Malalim narin pala ang gabi. Kaya pala nakakaramdam na sya ng antok. Sumunod ay natagpuan na lamang nya ang sarili na dinadala ng sariling paa papunta sa kwarto nya.

Oo nga pala, may isang linya si Binong noon na tuluyan nang nanirahan sa utak ni Whang hanggang sa naka-graduate sila...

"Wag kayong magmadali. Pag nagmadali kayo, mabilis nyo lang din makakalimutan yung natutunan nyo. Ang labas parang wala ka naring natutunan."

O di ba wagas? ^0^



P.S. Hindi po ito tribute para kay Binong. Buhay pa po si Binong at kasalukuyang umuunlad... lol






Ulan, Ulan , Ulan

2

Posted by Whang | Posted in , , | Posted on Sabado, Mayo 28, 2011



From the vast space of heavens,

A million drops of rain

From the grounds of the Earth,

Two nuns running for the convent


Mabuhay! ^^




                                                        Photo Courtesy of DeviantArt



Mt. Gulugod Baboy (Experience Lang)

3

Posted by Whang | Posted in , , , | Posted on Miyerkules, Mayo 25, 2011




"SAAB"... yan ang napagkasunduan naming ipangalan sa team namin bago umakyat ng Gulugod Baboy. Hindi ko rin alam kung bakit iyon ang napili (brand name kasi yun ng Radar)... lol... Siguro tinamad lang talaga kaming mag-isip kaya Saab nalang --- madali nang tandaan, mukang maganda pang pakinggan.

Sabagay, wala naman yun sa pangalan. Ang importante na-enjoy namin ang pag-akyat at narating namin ang tatlong peak. Yeahba ^^

525 meters above sea level ang Gulugod Baboy. Tamang-tama para sa mga baguhang tulad namin. Hindi naman kasi talaga kami mountaineers! Sadyang magagala lang. Magagala na naghahanap ng magandang galaan matapos ang ilang buwang pakikipagtitigan kay computer at pakikipag-tuos kay DeltaV sa loob ng opisina.

Ilang araw at gabi rin akong na-excite nun bago natuloy ang akyat. Matagal-tagal rin kasi naming pinlano yun dahil iniiwasan namin ang ulan. Pero dahil napaka-unpredictable na ni Mother Nature, hindi rin kami tuluyang nakaligtas sa ulan. Sabi nga ni kaibigang Vin dahil daw yun sa nauusong Global Warming. ^^

Maganda naman ang panahon nung simulan namin ang hike. Mainit, asul ang langit na halos walang ulap. Sa kabila ng paghahabol ng hininga nagawa parin naman naming kumanta, magtawanan, magbiruan, at maligaw! Wala daw kasi masyadong dumadaan doon sa trail na sinusundan namin kaya medyo burado na sya.





Halos isang oras pa kaming naglakad at gumawa ng sariling daanan sa gitna ng mga talahib. Isa -isa kong tiningnan at pinakiramdaman ang mga kasama ko.

Si Dudung na kanina panay ang pagpapatawa, biglang nagseryoso at nanguna sa lakaran. Napansin ko na bumibilis ang lakad ni tukmol. Halatang ayaw maabutan ng dilim!

Si Gertz naman tahimik lang na nakasunod kay Dudung. Hindi sya nagsasalita, parang ang lalim ng iniisip! Sinubukan kong hulaan ang iniisip nya pero hindi ko nagawa... lol

Sa likuran ko naman ay ang reporter namin na si Panops. Hinihingal narin sya at tagaktak na ang pawis sa mukha. Kanina bini-video nya ang mahaba naming paglalakbay, pero nang lingunin ko sya hindi na nya hawak ang camera. Malamang nangalay na si tukmol.

Kasunod naman ni Panops si Ka Ghogie. Mukhang nag-e-enjoy si loko. Hindi nya alintana na naliligaw kami at mukhang nababasa ko ang sinisigaw ng utak nya. "PASSION! ITO ANG PASSION KO!!!"... lol... Sabagay hindi ko sya masisisi. Yung pagkaligaw kasi ay isa sa mga exciting na nangyari sa grupo.

Kasunod ni Ka Ghogie si Master Von. Gaya ni Panops ito daw ang unang beses na aakyat sya ng bundok. Hinihingal narin sya pero hindi nagrereklamo. At sa aming lahat, itong si Master Von lang ang may kakayahang magtext habang naglalakad paakyat ng bundok. Lufeet!

Higit dalawang oras na kaming naglalakad nun. Hindi ko alam kung gaano pa kalayo ang lalakarin namin. Basta ang alam ko, kailangan na naming magmadali bago pa kami tuluyang maabutan ng dilim.

Sa di malamang kadahilanan bigla kong naalala yung lolo na pinagtanungan namin ng direksyon nang magsimula kaming umakyat.

"Lo, san po ba ang daan papuntang Gulugod Baboy?" magalang na tanong ni Master Von sa matandang tahimik na nakaupo sa upuang kawayan.

"Nak-ow kalayo! Anim na kilometro pa ang lalakarin ninyo Utoy!"

Napangiti at napapa iling nalang ako sa naalala. Kasi naman.... malayo nga!




Tatlumpong minuto pa bago namin narating ang base camp at nakapag set up ng tent. Kaunti na lang ang nalalabing liwanag sa paligid.

Tatlumpong minuto ulit ang nagdaan bago tuluyang bumuhos ang napakalas na ulan. Sinabayan pa nina kulog at kidlat. Tila nagpapagalingan at nagpapalakasan pa ang tatlo kaya mabilis na napasok ng tubig ang mga tent namin. Nasubok pa tuloy ang husay namin sa paglilimas!... lol. Dahil narin dun kaya kumita sa amin ang katagang "papiga".




Heto pa ang isang hindi malilimutang experience--- yung moment na binalot ng ulap ang paligid. Yay! Nagtalo-talo pa kami kung ulap nga yun o fog lang. Sa huli nagkasundo rin kaming lahat na ulap nga yun.. lol



Heto naman ang tumambad sa amin sa ikalawang araw ng aming pagliliwaliw ^^... Ito ay kuha mula sa pangalawa at pinakamataas sa tatlong peak ng Gulugod Baboy. Priceless ang view ng sunrise na mukhang sunset ^^




Ito naman ay kuha mula sa pinakamababa sa tatlong peak. Dito nakipag-yakapan sa ulap si Dudung at lima pa nyang kasama... lol...




Hindi naman namin intensyon na gayahin ang logo ng "band of brothers". Gusto lang naming kunan ang sarili namin katabi nung puno, at ito ang kinalabasan... ^^



Ang paglalakbay pabalik sa tent. Kuha ni Dudung ^^... Wala na kaming paki-alam sa piktyuran dito habang naglalakad. Pero dahil passion daw ni Dudung yung photography kaya kami nagkaroon ng ganitong pic. ^^




Natatandaan ko isang linggo bago kami umakyat sabi ko gusto kong makita yung 3D version ng Naruto. Hindi ko inakala na sa Gulugod Baboy ko lang pala matutunghayan ang labanan nina Naruto at Mojo Jojo... lol..





Ito ang naging eksena nang ipinagtanggol ni AstroBoy si Mojo ^^... Hanep!




Bago umuwi nakahirit pa ng piktyur. Nakakapanghinayang kasing umuwi nang wala man lang pic ng summit ^^ . At last kompleto na kaming anim! Salamat sa tripod ni Ka Ghogie.




Nakakapagod, nakakatuwa, nakaka-buhay, nakaka-excite. Masarap matulog sa bahay tuwing weekends. Pero masaya din namang magpakapagod minsan sa labas. ^^
Experience lang.

Mabuhay!!!




Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...