read the printed word! Proudly Pinoy!

The Spirit Of Kindness

2

Posted by Whang | Posted in , , | Posted on Huwebes, Agosto 9, 2012


"When you share your last crust of bread with a beggar, you must not behave as if you were throwing a bone to a dog. You must give humbly, and thank him for allowing you to have a part in his hunger."
--Giovanni Guareschi

Isang maulan na gabi iyon. Hunyo? Hulyo? Hindi ko na matandaan kung anong bwan. Isa ako sa maraming taong naglalakad ng walang payong papuntang Robinson's Pioneer. Hindi ko na rin matandaan kung ano ang pakay ko doon. Pero isang kwento ang tumatak sa akin noong gabing iyon na hindi ko malilimutan...

"Ayaw mo pa talagang umuwi?" mahinang tanong ni Yellowman habang naglalakad palabas ng MRT station.

Tahimik akong umiling bilang tugon. Sa isip-isip ko, masyado pang maaga para magkulong sa kwarto  at matulog. Ambon nalang din naman ang natira sa kanina'y malakas na ulan. Patuloy ako sa paglalakad nang pigilin ako ni Yellowman sabay turo sa bulag na tumutugtog sa gitna ng malawak na daanan.

"Josa, saglit lang. Idol ko kasi tong si Manong eh. Tingnan mo, mahihirap yung chords nung tinutugtog nya pero nagagawa nya ng tama. Partida bulag pa sya nyan!" nakangisi nyang sabi. 

Hindi ko na rin matandaan kung anong kanta yung tinutugtog ni Manong pero alam ko yung kanta. Mga tatlong minuto din kaming tumambay ni Yellowman sa gilid ng daanan para pakinggan ang performance ni Manong. Bago umalis naghulog pa ng barya si Yellowman sa isang maliit na donation box sa tabi ni Manong.

"Naks, bait mo pre!" wika ko. Ang alam ko kasi wala na syang pera.

"Ayos lang yan paminsan-minsan. Hindi naman pera ang binibigay mo sa kanila kundi pag-asa."

Nagtuloy kami sa paglalakad pababa ng estasyon ng MRT. Isa na namang bulag ang tumutugtog sa daanan sa gitna ng ambon. Kagaya ni Manong may donation box ding nakalagay malapit sa kanya. Pero ang kumuha talaga ng atensyon ko ay ang isang matandang lalaki na naka-upo sa may di kalayuan. Nakatingin sa kawalan habang naka-angat ang isang kamay para sa mga dumadaan.

Matagal din akong nakatitig kay Tatang habang naglalakad. Bakas ng kawalang pag-asa ang mukha, naka-angat ang kamay pero batid niyang walang mag-aabot. Gusto kong gayahin si Yellowman. gusto kong mamigay ng pag-asa. Pero hindi ko ginawa. 

Hanggang sa makarating kami sa tapat ni Tatang. Isang lalaking gusgusin din at gula-gulanit ang suot ang lumapit sa kanya. May dinukot ito sa bulsa saka nag-abot ng piso sa palad ng matanda saka nagpatuloy sa paglalakad. Hindi nagsalita si Tatang pero napangiti sya sa natanggap na barya.

Wala sa sarili na nakapa ko ang sariling bulsa saka inilabas lahat ng barya. Para kay Tatang.

Tinangka namin ni Yellowman na hanapin yung isa pang lalaking gusgusin na nag-abot ng piso kay Tatang pero hindi na namin sya nakita.

"Naks, bait ni Josa! 'Di ba wala ka nang pera?" biro ni Yellowman.

"Kasalanan mo 'to eh. Binanatan mo 'ko nung "hindi naman pera ang binibigay ko kundi pag-asa" na linya mo!" balik biro ko.

"Bilisan mo, lalakas na naman ang ulan!"

----WAKAS----


ATTENTION: Yellowman, naalala mo pa ba kung anong ipinunta natin nun sa Robinson's? Tyaka ano nga ulit yung tinugtog na kanta nung idol mo?... lels







  
                                                                    

Elektra: Part 2 (Finale)

4

Posted by Whang | Posted in , , , | Posted on Lunes, Setyembre 19, 2011


Pak! Pak! Blag! Pak!

Nagising ang diwa ko sa malakas na kalansing ng pinggan sa di kalayuan. Inaantok pa ako. Gusto ko tuloy mainis. Pero naiwaksi ko rin kaagad ang pagkainis sa aking isip nang maalala ko ang huling sinabi ni Utoy sa akin kagabi. Ano nga ulit yun? Ni-raid ang lugar na pinag-inuman namin dahil maraming menor de edad ang pinapayagang uminon doon?

Mabilis akong napabangon sa naalala. Umiikot parin ng bahagya ang paligid ko. Sinubukan kaagad kilalanin ang paligid pero bago iyun sa akin. Hindi pa ako napunta roon ni minsan. Kung gaanong bilis ng pagbangon ko kanina ganoon din kabilis ang kabog ng dibdib ko ngayon.

Shit men, nasa presento na ba ako? Ganito ba ang feeling ng isang bilanggo?

Tatayo na sana ako at handa nang magmakaawa sa kung sino mang pulis na makikita nang biglang narinig ko ang boses ni Utoy. Ibig sabihin dalawa kaming nahuli?

“Hindi naman araw-araw. Kagabi lang. Birthday kasi ng isang kong katropa,” paliwanag ni Utoy. Saka ko lang naisip nab aka nasa bahay ako nina Utoy.

“Pagkagising ng nyang kasama mo pauwiin mo na agad, baka hinahanap na yan sa kanila,” anang isang boses babae. Ma-otoridad ang boses nito. Matapang. Yung tono ng pananalita nya walang bahid ng hospitality. Pero mahinahon syang nagsasalita. Sya na yata si Elektra na tinutukoy ni Utoy kagabi. Ang tiyahin niyang may kasungitan pero mabait naman tuwing nasa paligid si Hellboy (yun daw manliligaw ni Elektra).

At iyun ang unang pagkakataon na nakaharap at nakausap ko si tiya Elektra. Matangkad sya, morena, medyo chinita, lampas balikat ang buhok, at kahit pilitin nyang paamuhin ang mukha halata parin sa aura nya ang pagiging strikta at mahigpit. Hindi naman nagtagal ang pag-uusap namin (buti na lang!) dahil sa tono nya gusto na nya akong pauwiin talaga. Nahihiya lang sigurong sabihin sakin ng deretsahan. Naki-inom nalang ako ng malamig na tubig saka nakigamit ng banyo bago ako umalis.

Habang nasa banyo naisip ko si pareng Utoy. Mahirap sigurong maging pamangkin ng isang babaeng perpeksyunista. Sa wari ko kasi singhal agad ang aabutin mo kay Elektra pag may nagawa kang mali sa mata nya. Pero kita mo naman si Utoy, ang tataas ng grades, walang bagsak. Mukang mas may alam pa kaysa sa propesor. Walang bisyo. Libre pa sa matrikula dahil iskolar. Sikat sa mga girls kasi matalino. Maraming kaibigan kasi madaling lapitan.

Para sa kagaya kong lamang ang katamaran kaysa sa kasipagan, mahirap marating ang buhay na kagaya ng kay Utoy. Kaya yung pangarap namin nina Efren at Ruel na maging kagaya nya, itinae ko nalang gaya ng ginagawa ko ngayon.

Ala siyete sa orasan nina Utoy noon nang umalis ako sa bahay nila. Ayoko ring napapalapit masyado sa tiya Elektra niya. Mahirap na, baka pati katamaran at iba ko pang kashitan sa katawan mapuna pa nya. Mapayapa akong naglakad papunta sa sinasabi ni Utoy na sakayan ng tricycle sa may labasan ng subdibisyong tinitirhan nila. Naisip ko ang saya siguro pag dito ka nakatira. Ang tahimik, wala kang madadaanang tambay sa gilid-gilid ng dadaanan mo. Maraming puno kaya hindi mainit. At yung mga bahay kanya-kanyang matataas na bakod… parang kanya-kanyang buhay lang…

“Special na boy?” tanong nung tricycle driver nang makasakay ako.

“Magkano ho ba pag special hanggang sakayan ng jeep?” kako.

“Bente kwatro lang boy…” tugon nya.

Buti nalang naisipan ko munang kapain ang pitaka ko bago lumarga. Anak ng… naiwan ko pa yata kila Utoy yung wallet ko. O mas masaklap baka kagabi ko pa iyun naiwala habang bangenge ako sa alak. Bumaba muna ako ng tricycle. Naglakad ulit pabalik kila Utoy at Tiya Elektra. Kapag wala doon ang wallet ko kakapalan ko na ang mukha ko na mangutang ng pamasahe pauwi. Pero hindi paman ako nakakatok sa pintuan nila natigilan ako. Narinig ko kasi si Tiya Elektra na nagsalita…

“Bobo!” narinig kong turan nya. “Nakakahiya ka! Ano nalang ang sasabihin sa atin ng mga tao dito kung nagkataong nahuli ka ni Mang Dencio doon sa kung saan man kayo nag-inuman? Hindi mo talaga niniisip ang kapakanan ko no? Ano nalang ang magiging tingin ng pamilya ni Hellboy sakin pag nalaman nilang minsang nakulong ang magaling kong pamangkin? Alam mo, sawa na rin akong bayaran ang mga propesor mo para lang tumaas yang mga grades mo ha. Pag hindi ka pa tumino ibabalik talaga kita sa pinanggalingan mo!”

Hindi ko narinig na nagdahilan si Utoy. Ako naman nahiya nang kumatok. Tahimik na lang akong umalis doon, maglalakad nalang siguro papuntang sakayan ng jeep tapos susubukang mag-one-two-three hanggang makarating sa bahay. Maiintindihan naman siguro ako ng langit sa pagkakataong ito.

Habang naglalakad paulit-ulit na bumabalik sakin yung mga narinig k okay Tiya Elektra. Parang hindi naman ako naniniwala doon. Ako mismo ay isang buhay na patunay sa talinong taglay ni Utoy, bakit kailangan pa ni Elektra’ng magbayad sa propesor? Napapailing na lang ako. Tama ang hinala ko. Mahirap maging pamangkin ng isang Tiya Elektra!

Hindi nagtagal nasa sakayan na kaagad ako ng jeep. Halos tatlumpong minuto rin akong naglakad. Tapos sakay ng jeep. Sinubukan ko ulit yung bulsa ko. Para bagang hulog ng langit, may nakapa pa akong limang piso. Ayus hindi na kailangan ang one-two-three! Doon ako pumuwesto sa dulo para may sandalan habang natutulog. Sakto wala pang tatlong minuto tulog ako.

Nagising na lamang ako sa sunod-sunod na vibrate ng telepono ko. Si Ruel. Nakailang missed call na siya tapos hindi ko pa nasagot yung huli. Bakit kaya? Tinext ko sya, “Brad bakit?” habang naka-kunot noo.

 Sa awa ng malakas na signal ng network provider ko mabilis kong natanggap ang reply nya. “Tol, si Utoy… Dedo na!"


... WAKAS...


Elektra: Part 1

0

Posted by Whang | Posted in , , , | Posted on Huwebes, Setyembre 1, 2011

Ako si Darius at alamkong magulo ang mundo. Siguro kasi magugulo rin mag-isip ang mga taong nakatira rito... kagaya nalang nitong si Elektra.


Hindi ko alam kung ilang taon na kaming magkakilala... Siguro mga tatlo o apat na taon na.  Mabait sya. Matulungin. Matalino. Madiskarte. Wala na yata syang kapintasan bukod sa hindi sya masyadong maka-bayan.

“Bakit mo naman po-problemahin ang isang problemang mas matanda pa kaysa sayo?” natantandaan kong dahilan niya.  Hindi nalang ako nagsalita. Mahirap kasi makipag-tagisan ng talino kay Elektra. Kahit  yung lasing ay mahihirapang talunin sya sa diskusyunan.

At narito narin lang tayo sa usapang lasing, ibabahagi ko narin sa inyo ang kwento ng kaibigan kong si Utoy na pamangkin ni Elektra. Siguro magsa-sampung taon ko na tong kaibigan si Utoy. Matalino rin, mabait, tahimik na tao na parang bang hindi pa nakakagawa ng kasalanan. Parang lalaking bersyon lang ni Elektra.

Hindi ko na matandaan kung paano kami naging mabuting magkaibigan. Basta ang natatandaan ko, sya yung pinakauna kong nakausap sa pinapasukan kong unibersidad. Bago palang ako sa Maynila noon at naiilang pang mag-tagalog kaya nung narinig ko syang nagsalita sa lengwaheng alam ko habang may kausap sa sya telepono, sinunggaban ko na ang pagkakataon para magtanung sa kanya ng hindi nagtatagalog. At yun, instant, may barkada na si Darius.

Sa tagal naming magkabarkada nalaman kong hindi umiinom itong si Utoy. Kaya nga laking gulat ko nung tinanggap nya ang basong may lamang vodka na ibinigay sa kanya ni Ruel. Birthday iyun ng isa pa naming kabarkada kaya nagkayayaang mag-inuman. Sisig, nachos, chese roll… dinamihan talaga ni Ruel ang order ng pulutan kasi alam nito na yung iba sa amin mamumulutan lang.

“Uy teka, teka. Umiinom na si Utoy!” sigaw ni Ruel sa gitna ng malakas na disco music na pumapailanlang.

“Kuu, baka may pinagdadaanan,” hula ko sa tonong pabiro.

“Wala tol. Paminsan-minsan kailangan kasi nating makisama,” sabi nya matapos lagukin ang natitirang alak sa baso.

“Baka nakipag-break na sa kanya yung girlfriend nya mga tol. Yung lagi nyang nakakausap sa telepono? Siguro sinasadya talaga nitong si Utoy na mag-nihonggo pag kausap nya ang girlfriend nya para di natin maintindihan,” kantyaw ni Efren, yung may birthday.

“Gago, tiyahin ko yun!” si Utoy. Tawanan ang barkada. Umikot ulit ang baso. Si Ruel parin ang tanggero. Napunta ulit sakin ang baso, pagkatapos kay Utoy naman. Lumalalim na ang gabi. Hindi namin namamalayan dahil sa sarap ng kwentuhan at siguro dahil narin sa nakaka-indak na tugtugan doon.

Alas-tres ng madaling araw, ubos na ang panlibre ni Efren. At kahit may panlibre pa sya hindi narin pwede dahil bagsak na si Ruel tanggero. Naghihilik na sa upuan nya si mokong. Problema pa kung paano namin pauuwiin. Kakalipat lang daw kasi nito ng tirahan. Wala sa amin ang nakakaalam kung saan ito nakalipat. Mabuti’t nag-presenta si Efren. Sa kanila nalang daw muna si Ruel.

“Eh kayo, ayos pa ba kayo? Pwede namang matulog sa bus station kung hindi nyo na kayang bumiyahe,” pabirong turan ni Efren sa aming dalawa ni Utoy.

Nasusuka ako. Ayokong sumagot.

“Pasig lang naman kami. Kaya na namin yun.” Sagot ni Utoy. “Darius tol, sabay nalang tayo pauwi. Parehas naman way natin,” sabi nya. Tumango lang ako. Bahagya pa akong nagtaka kung bakit tila konti lang ang tama ni Utoy gayong first time nitong uminom. Naalala ko bigla yung ni-lecture ng sir namin sa physics noong highschool. May mga tao daw talaga na malakas ang tolerance sa alak. Pero pakialam ko ba sa tolerance na yan? Gusto ko lang makauwi!

Sumunod naramdaman ko ang pag-ikot ng paningin ko sabay pag-ikot ng sikmura ko…

Hindi ko na kaya… Kailangan nang umuwak…

“Tol bilisan mo! Alis na tayo dito, niri-raid yung lugar!” bigla’y narinig kong sigaw ni Utoy.


ITUTULOY…



Naalala Mo Ba ang Naalala ko B2?

6

Posted by Whang | Posted in , , , | Posted on Miyerkules, Hunyo 1, 2011


Summer iyon. Katatapos lang mananghalian nina B1 at B2 kasama sina Tao at Mami. Papasok na sila sa gate ng unibersidad nang maalala ni B2 ang problema.

"Hindi ako papapasukin ng guard. Naka-sandals ako eh," nag-aalala nyang sabi. Bawal kasi sa school nila yung hindi naka-close shoes. At kung naka-close shoes ka na, bawal naman ang hindi black.

Sabay silang lahat na napatingin sa paa ni B2.

"Hindi bale, black naman yang sandals mo," biro ni Mami.

Si Tao naman, mabilis na nag-isip ng strategies kung paano sila makakapasok nang hindi nasisita.

"Dasal nalang tayo na sana hindi mapansin ni Manong Guard. O kaya sana tamarin syang manita," si Tao.

Walang umimik.

"Eh kung dumaan nalang kaya tayo sa daanan ng mga walang I.D?" si Tao ulit.

Tahimik na nag-isip ang lahat. May sekretong daanan kasi ang mga walang ID papasok sa school grounds (na hindi na masyadong sekreto ngayon...lol). Pwede! Pwede narin sigurong dumaan doon ang estudyanteng walang sapatos... ^^

"Bakit ka ba kasi naka-sandals?" biglang tanong ni B1.

Sumimanot si B2. "Kasi yung sapatos ko parang konting lakaran nalang mamamaalam na sya kaya itinago ko muna sa locker doon sa taas para magamit ko pa bukas. Wala pa kasi akong pambili ng bago."

"Eh di yan na lang ang sabihin natin kay Manong Guard."

"Hindi pwede. Baka kasi kumpiskahin nila tong sandals ko tapos hindi narin nila ibabalik. Sira na nga sapatos ko mawawalan pa ako ng sandals."

Sabagay, may punto kasi si B2. May nangyari na kasing ganoong kaso na hindi na sinauli ng DSA officer yung nakuhang sandals ng isang babaeng estudyante. Sinubukan pang magdahilan nung estudyante (kasi Natasha yung sandals nya... may kamahalan din yata). Pero sagot nung DSA officer, "Bakit? Sa customs kapag may nakumpiska, sinasauli ba nila?"

Haaaay! Napapa-iling nalang si B1 tuwing naaalala nya yung tagpong yun. May pa-customs-customs pa kasing nalalaman, eh yung ibang nakumpiska nila binabalik naman sa may-ari. Naisip nalang nya baka magka-size yung estudyante at DSA officer kaya ayaw nang ibalik yung sandals! Pwedeee!

Mabilis silang nakarating sa Chowking. Iisa ang direksyon ng tingin nila nang makapasok doon--- sa glass door na papunta sa loob ng school. Pero may problema na naman.

"Anak ng! Sinabi ba sa horoscope mo kanina na mamalasin ka ngayong araw B2?" pabirong tanong ni Mami.

May guard na nakabantay malapit sa pinto. Pati si Tao nagulat. Noon lang kasi nagkaroon ng bantay doon.

"Pahiramin nalang natin ng sapatos si B2. Dalawa muna ang papasok. Tapos babalik ang isa dala ang sapatos nung isa," suhestiyon ni Tao.

"Ako na magpapahiram. Magka-size naman kami ni B2 eh," presenta naman ni B1.

Kaya nagmadaling pumasok ng school si B1 kasama si Mami. Nagtago pa sya sa likod ng isang kulay itim na SUV bago hinubad ang sapatos at inabot kay Mami. Ilang sandali pa, mag-isa na lamang sya sa pinagtataguan.

Inabala nya ang sarili sa pagte-text habang hinihintay ang tatlo. Kampante sya na walang nakakita sa kanya nang magtago sya roon kaya naman laking gulat nya nang matuntun ni Manong Guard ang pinagtataguan nya. Dala-dala na nito ang I.D. ni B2...

Lagot na! naisip ni B1.

"Psst hoy! Halika rito. Akin na ang I.D. mo. SApatos mo ba to?" Sunod-sunod ang tanong ni Manong Guard habang itinaas ang dalang sapatos. Pagkatapos, "Ayos kayo ah, tara, sa DSA kayo magpaliwanag."

Nakakaloko pa yung ngiti ng guard. Akala mo nakahuli ng kriminal. Umani ito ng irap mula kay B1.

Pero at least ginagawa nya ang trabaho nya, naisip niya.

"Ano ba naman, ilang taon na kayong pumapasok dito, hindi nyo pa ba alam ang rules?" simula nung babaeng masungit na naka-ponytail ang buhok. "At ikaw, akala mo ba nakakatulong ka sa ginawa mo?" baling nito kay B1.


Hindi sanay manahimik si B1 pero hindi sya sumagot. Inaalala nya kasi si B2. Hindi ito sanay magkaroon ng record sa DSA, hindi kagaya nya na ilang beses nang nahuling lumabag sa kung anu-anong rules. Kung sasagot sya posibleng bibigat pa ang parusa nila.

"Ibig sabihin naka-medyas ka lang habang hinihintay mo silang maka-pasok?" mataray na tanong nung babae kay B1. Mukhang pinag-iinitan na sya nito. Matatalim kasi ang mga tingin na ipinukol nya rito.

"Sumagot ka!" singhal nito.

Tumango lang si B1. Pero sa loob nya, Putek! Malamang! Eh nasa kanila nga yung sapatos ko di ba?

"Wow grabe ka! Paano kung biglang dumating si pangulong Arroyo tapos makita ka nyang nakatayo sa sulok na naka-medyas lang!"

Tahimik parin si B1 pero sa loob-loob nya, Huwag mo nga akong pinaglololoko! Nasa Amerika si Gloria, paano sya mapupunta rito?

"Ikaw, hindi mo ba alam na bawal ang sandals? O talagang matigas lang ang ulo mo?" si B2 naman ang kinakausap nito. Sinabi ni B2 ang dahilan nya habang mabilis na namuo ang luha sa mga mata. Lalo namang yumabang yung babae.

Sunod-sunod ang pag-iling ng babaeng taga-DSA. Pagkatapos, "Maam, anong punishment ang ibibigay ko dito sa dalawang to?" tanong nito sa isang may edad nang babae sa tabi nya. Mukhang busy ito.

"Bahala ka na."

"Two days suspension na to ma'am," mayabang nitong sagot habang nakatingin at nakangiti kay B1.

Suspension? Eh bakit yung kasabay namin na nahuli ring naka-sandals pinabili lang ng halaman?

"O narinig nyo? Suspended kayo ng dalawang araw!"

Magrereklamo pa sana si B1 nang biglang magsalita si B2. "Ma'm baka naman pwedeng bumili nalang rin kami ng halaman?"

Ngumiti ang babae. "Anong halaman ang bibilhin nyo? Baka naman bigyan nyo kami ng puro dahon ha? Yung namumulaklak naman ang bilhin nyo."

"Sige po basta wag lang suspension," si B2.

"O sige. Tig-iisa kayong halaman. Dalhin nyo bukas para makuha nyo tong I.D. nyo."

Gago ka! Gusto mo lang pala kaming magmakaawa! Dalhan kaya kita ng kalabasa? Namumulaklak pala ha! sigaw ulit ng utak ni B1.

Saglit na tumayo ang masungit na babae. May kinuhang kung anong form sa kabilang mesa. Hindi sinasadyang mapatingin ni B1 sa paa nito. Napataas ang kilay nya.

NAKA-TSINELAS SI GAGO!!!





Binong Is Da Man

5

Posted by Whang | Posted in , , , , | Posted on Martes, Mayo 31, 2011



Iba talaga ang moment na hatid ng ulan. Habang bumubuhos kasi ang malakas na ulan, nanunumbalik ang samu't saring alaala na ilang taon na ring tahimik na nahimlay sa memorya ni Whang... (haist, emo talaga!... ^^)

Kusang nagbalik ang isipan nya sa pinapasukang unibersidad pitong taon ang nakaraan.

Mag-isa syang napangiti. Naalala nya kasi sina Binong, Beheng, Tao, at Mami --- mga ka-tropa nya noong college. Naalala nya yung mga panahong hindi pa sila mga enhinyero at hindi pa Whang si Whang.

Nagpaparamihan pa sila ng INC at 4.00 noon. Yung singko pilit at palagi nilang iniiwasan pero may mga pagkakataon talaga na hindi sila nakaka-ilag...

Si Binong lang ang laging pasado. Palibhasa ipinanganak nang may calculator at T-square sa magkabilang kamay... lol. Sya yung tipong kahit saan mo ilagay, nangunguna. Mapa-advanced math, engineering drawing, PLC programming, memorazation ng dates at events sa history, maging sa inuman!... lahat na!

Noong minsan hindi alam ni Whang kung bumilib sya o nainggit lang kay Binong. Yun kasing equation na buong gabi nyang sinubukang sagutan, na-solve kaagad nito ng wala pang tatlumpong minuto. Bangis!

Kaya hindi nya naiwasang mangarap na sana (kahit konti lang...) maging kasing-utak naman sya ni Binong para magkaroon naman ng saysay yung pagputol sa puno na ginawang papel na pinag-print-an ng grades nya! Whew!

Mabuti nalang hindi mayabang si Binong sa kabila ng katalinuhan. Higit sa lahat, mabuti nalang at hindi sya madamot. Nagpapa-kopya kasi sya. Pero hindi sya basta nagpapa-kopya dahil pinapaintindi nya sa kumukopya yung kino-kopya nila. Minsan nga mas natututo pa sina Whang sa kanya kaysa sa mismong guro... Peace! ^^

Napabuntong-hininga si Whang. Pansamantalang naputol ang pag-e-emote nya. Hindi sinasadyang napasilip sya sa bintana. Ambon na lang ang kanina'y malakas na ulan. Malalim narin pala ang gabi. Kaya pala nakakaramdam na sya ng antok. Sumunod ay natagpuan na lamang nya ang sarili na dinadala ng sariling paa papunta sa kwarto nya.

Oo nga pala, may isang linya si Binong noon na tuluyan nang nanirahan sa utak ni Whang hanggang sa naka-graduate sila...

"Wag kayong magmadali. Pag nagmadali kayo, mabilis nyo lang din makakalimutan yung natutunan nyo. Ang labas parang wala ka naring natutunan."

O di ba wagas? ^0^



P.S. Hindi po ito tribute para kay Binong. Buhay pa po si Binong at kasalukuyang umuunlad... lol






Si Whang at Si....

3

Posted by Whang | Posted in , , , , , , | Posted on Sabado, Abril 30, 2011




Biyernes iyon at wala yata ako sa sarili habang nakaharap sa computer. 

Iniisip ko kasi, "Shit, kakanta ako mamaya at mga big boss lang naman ang nandoon para manood." Saglit akong pumikit at humugot ng malalim na hininga para maisantabi ang kaba na kagabi ko pa kinaiinisan.

Wala namang nakatingin kaya tinagalan ko na ang pagkakapikit.

"Isa... Hinga... Dalawa... Hinga... Tatlo... Hinga......... Sampo....."

"Bakit po ba kayo kinakabahan ng ganyan? Eh kakanta lang naman kayo di ba?"

hindi ko alam kung anong naging reaksyon ko pero malamang kumunot ang noo ko nang makita ang isang batang lalaki na kampanteng naka-upo sa tabi ko.

payat sya, maputi at sa tantya ko nasa mga anim na taong gulang lang.

noong una akala ko hindi ako ang kausap nya. Pero wala naman kasing ibang tao doon. Isa pa, sa akin sya nakatingin.... Sa akin sya nakangiti...

napangiti narin ako.

"Kasi sentonado ako. Ayoko lang mapahiya," sabi ko.

"Eh sino po ba ang may sabi na sentonado kayo?"

Natigilan ako. Nag-isip.

Wala akong maisagot. Tiningnan ko na lang sa mata ang batang kausap.

Noon ko lang napansin na naka-puting T-shirt lang sya. Kupas na ang suot nyang asul na shorts. Manipis na rin ang suot nyang tsinelas.

Paano kaya sya nakapasok rito? naisip ko.

"Maniwala lang po kayo sa kakayahan ninyo. Ako nga, sa mura kong edad, binibigyan na ako ni Bro ng mabibigat na pagsubok. Pero nakakaya ko dahil iniisip ko na kaya ko."

Natawa ko. Para kasing ako pa ang bata sa aming dalawa.

Kakanta lang naman ako, hindi ako papatay ng tao! Bakit ko nga ba pino-problema yun?

"Bakit boy, narinig mo na ba akong kumanta?"

Nginitian nya ulit ako at diretsong nakatingin sa akin ang bilogan nyang mga mata. Nakaka-inggit talaga ang mga bata... napaka-inosente ng mga ngiti nila...

"Kaya mo yan, ate! Magtiwala ka lang sa sarili mo. At magtiwala ka kay Bro. Hindi ka mapapahiya kapag nagtiwala ka sa kanya. Tandaan nyo po na palagi syang nakikinig at palagi nyang binibigyan ng kasagutan ang mga hiling mo. Kung may mga pagkakataon man na hindi sya sumasagot, iyon ay dahil alam nyang kaya mong lutasin ang pagsubok na binigay nya..."

Ang galing! Pakiramdam ko lumakas ang loob ko dahil sa mga sinabi ng batang kaharap ko.

naisip ko kaagad gumawa ng blog entry tungkol sa misteryosong bata.

Kumuha ako ng papel at ballpen sa bag saka sinabing, "Ano nga palang pangalan mo boy?"

"Ako po pala si Santino," sagot nya na abot tainga ang ngiti. "Huwag nyo po akong kakalimutan kapag kakanta na kayo ha."

"Whang tapos na ang lunch break, gising na!" anang isang pamilyar na boses sa likuran ko. Ginigising na ako ng ka-opisina ko!

nang matauhan ay napangiti akong di sinasadya.

Takte, napahaba ngang talaga ang pikit ko at naka-idlip na pala ako. At sa pag-idlip ko, naka-usap ko pa si Santino!


Hindi Ito Love Story

3

Posted by Whang | Posted in , , , , , | Posted on Linggo, Marso 6, 2011


Hindi ito love story...
malamang hindi ka rin maniniwala...
lalo na kapag sinabi ko na in-love ako ngayon!

Oo in-love ako...
sa isang dalagang taglay ang ganda ng isang dyosang bumaba sa lupa...
sa taong nagmamay-ari ng pinaka-matamis na ngiti na nakita ko...
sa babaeng nagtatago sa pangalang--- Elle

sabi ng Nanay ko, exaggerated lang daw ako...
hindi naman daw ganoon kaganda si Elle!

sabi pa nya, baka natuwa lang daw ako kay Elle dahil first time kong magkaroon ng Engliserang kaklase...

Hay, si Nanay talaga, minsan ang babaw...

transferee kasi sa school namin si Elle. Indonesian sya at kaunti pa lang ang alam nyang Tagalog kaya madalas nag-e-englis sya...

mahaba at tuwid ang buhok nyang hanggang beywang...
katamtaman lang ang tangos ng ilong, hindi singkit pero cute parin ang mata
hindi nagkakalayo ang kulay ng balat namin...

masayahin syang tao...
tuwing nakikita ko sya lagi syang nakangiti...

kaya hindi na ako nagtaka nang mabilis nyang nakapalagayan ng loob ang mga tao sa paligid nya...
hindi na ako nagtaka nang mahulog ang loob ko sa kanya...

nasabi ko na ba na mala-anghel din ang boses nya?
kaya nga sya kaagad ang nakuhang bokalista sa bagong banda ng school namin eh...

mapa-ballad o rock, kaya nyang kantahin--- nalaman ko nang minsang sumama sya sa amin mag-videoke...

tuwing naririnig ko ang boses nya para bang narerelax ako...
lalo na kapag tinatawag na nya ako sa pangalan ko...

"Noel!"

parang ngayon!

Takte nasa likuran ko pala si Elle! napaisip tuloy ako kung gaano na ako katagal na nakatunganga...

nakangiti na naman sya habang iniaabot sa akin ang test papers nya na kanina pa pala pinapapasa ni Maam Sungit sa harapan!

nilingon ko si Elle para kunin yung test papers pero hindi ko sya matingnan sa mata...

Nahihiya ako!

Syeeet! May hiya pala ko! dati kasi tuwing pinapagalitan ako ni Tatay sinasabi nya sa akin na walangya daw ako...

ngayon ko napatunayang mali si Tatay!

pagkapasa ng test papers, tumunog na ang bell para sa luchbreak... nagmadali akong tumayo.

nagtatrabaho kasi si Nanay sa school canteen at tuwing tanghali tinutulungan ko siya. Minsan tagahugas ako ng pinggan, minsan naman, ako ang nagliligpit ng pinagkainan ng ibang estudyante...

nakalabas na ako ng classroom nang tawagin ulit ako ni Elle! Ang swerte ko naman yata ngayong araw!

"Noel you can play guitar, right?" tanong nya habang nakangiti sa akin. Lumabas ang dimples nya sa magkabilang pisngi.

tumango lang ako... Mahirap na... Mahina kasi ako sa English... Baka pag nagsalita ako, lalo lang nya akong hindi maintindihan!

"Great! We need one more guitar player for the band. Gusto mo samahan kita kay Mr. Awit para mag-audition? " masaya nyang turan.

kahit minsan hindi pumasok sa isip ko na sumali sa kahit anong banda. Tama na sakin yung nakakapagtugtog ako ng gitara kung kailan ko lang gusto...

pero iba 'to ngayon... si Elle na ang nagsasabing sumali ako sa banda nila!

Hindi ko napigilang maging masaya. Hindi ko nga alam kung paano ko sya sinagot. Basta ang alam ko umoo ako sa paanyaya nya...

natapos ang araw na hindi nawala sa isip ko si Elle... Ganito pala pag in-love!

Buong gabi rin akong hindi nakatulog... minsan nararamdaman ko nalang na napapangiti na pala ako habang nakahiga sa kama ko...

napatingin ako sa gitara na nasa tabi ko... parang gusto ko yung halikan!

gagalingan ko bukas!--- para kay Elle...

At kapag natanggap na ako sa banda, palagi na akong tutugtog sa school... Tapos makikilala narin ako... Magkakaroon na ng saysay ang paggigitara ko... at... hmmm, baka titilian na rin ako nung mga babaeng nang-busted sa akin dati...

na-excite ako! Hindi ako nakatulog kaya naman ang aga kong dumating sa school kinabukasan.

si Elle kaagad ang nahanap ng mata ko. Nakita ko syang naka-upo sa bench malapit sa puno ng mangga--- ang paborito nyang tambayan...

nakangiti sya habang lumapit sakin...

haaaay, ang sarap sa pakiramdam kapag nakikita mong nakangiti sayo ang babaeng pinapangarap mo...

masaya na sana ang araw ko kung hindi lang dahil sa takteng music professor namin na si Awit...
sabihin ba naman sa akin na hindi daw ako pwede sa banda dahil kailangan daw nila ng may hitsura--- sa ibang salita, yung gwapo... yung pogi...

para narin nyang sinabing ang pangit ko... para narin nyang sinabing sinungaling ang Nanay ko (palagi kasing sinasabi ni Nanay na ang gwapo ko raw)

mabuti nalang at nakumbinsi ni Elle si Awit na magaling daw ako maggitara... Ang ending--- natanggap ako...

Hmm, mali!... Napilitan silang tanggapin ako... Takte!

Ayos lang.. ang importante lagi ko nang makakasama si Elle... yun lang naman dapat ang importante, di ba?

Yun lang dapat!

Pero bakit ganoon? bakit hindi ako masaya? bakit parang hindi na sapat na nandoon at kasama ko si Elle? sa halip na sumaya, bakit ako naging malungkot mula noong napasali ako sa banda nila?

ngayon, kilala na ako sa buong school, tinitilian ng ibang estudyante... pero hindi ako masaya!
kahit pa palagi ko nang kakwentuhan si Elle...
kahit pa nagagawa ko nang ligawan si Elle...
kahit pa nararamdaman ko nang mahal nadin ako ni Elle...

hindi ako masaya dahil hindi ako tanggap ng mga kabanda ko...
dahil hindi ko nararamdaman na kabilang ako sa grupo...
dahil palagi nalang ako ang taya...
dahil kapag mga kabanda ko nalang ang kasama ko, ako na ang utusang si Noel...

kagaya ngayon...
katatapos lang naming tumugtog sa isang school event
heto at ako na naman ang naisipan nilang pagtripan
sampal dito... sampal doon... tadyak... tadyak...

kung bakit pa kasi ako pumayag na sumama sa kanila na mag-inuman sa bahay ng isa naming kabanda...
oo nga pala... pinilit nila akong sumama--- dahil wala silang mapagkakatuwaan kong hindi ako kasama!
heto tuloy at kinakaawaan ko na naman ang sarili ko dahil sa kalupitan nila sa akin.

mabuti na lang at wala dito si Elle. Hindi nya makikita ang kaduwagan ko

nakakainis! bakit hindi ko magawang lumaban?

pero huli na to... hindi na nila ako mahahawakan pa... hindi na nila ako masasaktan pa... hindi na nila ako maipapahiya...

dahil tinapos ko na ang lahat!

napatingin ako sa langit habang pinupunasan ang namumuong pawis sa noo ko.

napapikit ako habang nakatingala sa buwan at mga bituin --- ang mga saksi ng ginawa ko ngayong gabi...

napabuntong-hininga ako matapos kong tingnan ang isang kabanda kong si Tisoy na duguang nakahandusay sa semento...

"Noel, pare, alam kong nasaktan ka namin pero patawarin mo na kami..." iyon ang mga huling kataga nya. Nagmamakaawa sya sa akin!

katabi ni Tisoy ang duguan ding sina Toy at si Boy Mura at si Tikboy...
Lahat sila duguan...
lahat sila wala nang malay...
lahat sila wala nang buhay!!!

Pinatay ko sila!

at ang tanging saksi ay ang mga tala sa langit!

at......

si Elle!
nagulat ako nang makita ko ang nahihintakutan at namumutlang si Elle!
nanlalaki ang mga mata nyang nakatingin sa akin, pagkatapos ay sa mga duguang katawan ng mga kaibigan nya sa semento...

mabilis na namuo ang luha sa mga mata nya at automatikong tinakpan ng mga kamay nya ang kanyang bibig...

walang salitang nagmamadali syang tumakbo palayo sa akin...

hindi maaari!

ayokong kamuhian ng babaeng pinakamamahal ko... Ayoko!

mahal ko si Elle.... mahal ko sya...

pero ayoko ng testigo sa ginawa ko...

Ano ang gagawin ko?

saglit kong ipikit ang aking mga mata at nag-isip...

pagkatapos ay napatingin ako sa direksyon kung saan papunta si Elle...

DISCLAIMER:

ang lahat ng ito ay pawang bunga lamang ng malikot na isipan ng may-akda... ^^
sabi ko na hindi ito love story di ba?

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...