Posted by Whang | Posted in buhay pinoy, maikling kwento, tadhana at kapalaran | Posted on Huwebes, Agosto 9, 2012
"When you share your
last crust of bread with a beggar, you must not behave as if you were throwing
a bone to a dog. You must give humbly, and thank him for allowing you to have a
part in his hunger."
--Giovanni Guareschi
Isang maulan na gabi iyon.
Hunyo? Hulyo? Hindi ko na matandaan kung anong bwan. Isa ako sa maraming taong
naglalakad ng walang payong papuntang Robinson's Pioneer. Hindi ko na rin
matandaan kung ano ang pakay ko doon. Pero isang kwento ang tumatak sa akin
noong gabing iyon na hindi ko malilimutan...
"Ayaw mo pa talagang
umuwi?" mahinang tanong ni Yellowman habang naglalakad palabas ng MRT
station.
Tahimik akong umiling
bilang tugon. Sa isip-isip ko, masyado pang maaga para magkulong sa kwarto
at matulog. Ambon nalang din naman ang natira sa kanina'y malakas na
ulan. Patuloy ako sa paglalakad nang pigilin ako ni Yellowman sabay turo sa
bulag na tumutugtog sa gitna ng malawak na daanan.
"Josa, saglit lang.
Idol ko kasi tong si Manong eh. Tingnan mo, mahihirap yung chords nung
tinutugtog nya pero nagagawa nya ng tama. Partida bulag pa sya nyan!"
nakangisi nyang sabi.
Hindi ko na rin matandaan
kung anong kanta yung tinutugtog ni Manong pero alam ko yung kanta. Mga tatlong
minuto din kaming tumambay ni Yellowman sa gilid ng daanan para pakinggan ang
performance ni Manong. Bago umalis naghulog pa ng barya si Yellowman sa isang
maliit na donation box sa tabi ni Manong.
"Naks, bait mo
pre!" wika ko. Ang alam ko kasi wala na syang pera.
"Ayos lang yan
paminsan-minsan. Hindi naman pera ang binibigay mo sa kanila kundi
pag-asa."
Nagtuloy kami sa paglalakad
pababa ng estasyon ng MRT. Isa na namang bulag ang tumutugtog sa daanan sa
gitna ng ambon. Kagaya ni Manong may donation box ding nakalagay malapit sa
kanya. Pero ang kumuha talaga ng atensyon ko ay ang isang matandang lalaki na
naka-upo sa may di kalayuan. Nakatingin sa kawalan habang naka-angat ang isang
kamay para sa mga dumadaan.
Matagal din akong nakatitig
kay Tatang habang naglalakad. Bakas ng kawalang pag-asa ang mukha, naka-angat
ang kamay pero batid niyang walang mag-aabot. Gusto kong gayahin si Yellowman.
gusto kong mamigay ng pag-asa. Pero hindi ko ginawa.
Hanggang sa makarating kami
sa tapat ni Tatang. Isang lalaking gusgusin din at gula-gulanit ang suot ang
lumapit sa kanya. May dinukot ito sa bulsa saka nag-abot ng piso sa palad ng
matanda saka nagpatuloy sa paglalakad. Hindi nagsalita si Tatang pero napangiti
sya sa natanggap na barya.
Wala sa sarili na nakapa ko
ang sariling bulsa saka inilabas lahat ng barya. Para kay Tatang.
Tinangka namin ni Yellowman
na hanapin yung isa pang lalaking gusgusin na nag-abot ng piso kay Tatang pero
hindi na namin sya nakita.
"Naks, bait ni Josa!
'Di ba wala ka nang pera?" biro ni Yellowman.
"Kasalanan mo 'to eh.
Binanatan mo 'ko nung "hindi naman pera ang binibigay ko kundi
pag-asa" na linya mo!" balik biro ko.
"Bilisan mo, lalakas
na naman ang ulan!"
----WAKAS----
ATTENTION: Yellowman, naalala mo pa ba kung anong
ipinunta natin nun sa Robinson's? Tyaka ano nga ulit yung tinugtog na kanta
nung idol mo?... lels
Nakonsensya tuloy ako sa lahat ng iningnore ko na pwede kong nabigyan ng pag-asa hehehe
tagalog yung kinakanta ni manong.. hehe. tantya ko sa aking munting alaala pupunta tayo ng robinson kais bibili ka yata ng damit eh..