The Spirit Of Kindness

2

Posted by Whang | Posted in , , | Posted on Huwebes, Agosto 9, 2012


"When you share your last crust of bread with a beggar, you must not behave as if you were throwing a bone to a dog. You must give humbly, and thank him for allowing you to have a part in his hunger."
--Giovanni Guareschi

Isang maulan na gabi iyon. Hunyo? Hulyo? Hindi ko na matandaan kung anong bwan. Isa ako sa maraming taong naglalakad ng walang payong papuntang Robinson's Pioneer. Hindi ko na rin matandaan kung ano ang pakay ko doon. Pero isang kwento ang tumatak sa akin noong gabing iyon na hindi ko malilimutan...

"Ayaw mo pa talagang umuwi?" mahinang tanong ni Yellowman habang naglalakad palabas ng MRT station.

Tahimik akong umiling bilang tugon. Sa isip-isip ko, masyado pang maaga para magkulong sa kwarto  at matulog. Ambon nalang din naman ang natira sa kanina'y malakas na ulan. Patuloy ako sa paglalakad nang pigilin ako ni Yellowman sabay turo sa bulag na tumutugtog sa gitna ng malawak na daanan.

"Josa, saglit lang. Idol ko kasi tong si Manong eh. Tingnan mo, mahihirap yung chords nung tinutugtog nya pero nagagawa nya ng tama. Partida bulag pa sya nyan!" nakangisi nyang sabi. 

Hindi ko na rin matandaan kung anong kanta yung tinutugtog ni Manong pero alam ko yung kanta. Mga tatlong minuto din kaming tumambay ni Yellowman sa gilid ng daanan para pakinggan ang performance ni Manong. Bago umalis naghulog pa ng barya si Yellowman sa isang maliit na donation box sa tabi ni Manong.

"Naks, bait mo pre!" wika ko. Ang alam ko kasi wala na syang pera.

"Ayos lang yan paminsan-minsan. Hindi naman pera ang binibigay mo sa kanila kundi pag-asa."

Nagtuloy kami sa paglalakad pababa ng estasyon ng MRT. Isa na namang bulag ang tumutugtog sa daanan sa gitna ng ambon. Kagaya ni Manong may donation box ding nakalagay malapit sa kanya. Pero ang kumuha talaga ng atensyon ko ay ang isang matandang lalaki na naka-upo sa may di kalayuan. Nakatingin sa kawalan habang naka-angat ang isang kamay para sa mga dumadaan.

Matagal din akong nakatitig kay Tatang habang naglalakad. Bakas ng kawalang pag-asa ang mukha, naka-angat ang kamay pero batid niyang walang mag-aabot. Gusto kong gayahin si Yellowman. gusto kong mamigay ng pag-asa. Pero hindi ko ginawa. 

Hanggang sa makarating kami sa tapat ni Tatang. Isang lalaking gusgusin din at gula-gulanit ang suot ang lumapit sa kanya. May dinukot ito sa bulsa saka nag-abot ng piso sa palad ng matanda saka nagpatuloy sa paglalakad. Hindi nagsalita si Tatang pero napangiti sya sa natanggap na barya.

Wala sa sarili na nakapa ko ang sariling bulsa saka inilabas lahat ng barya. Para kay Tatang.

Tinangka namin ni Yellowman na hanapin yung isa pang lalaking gusgusin na nag-abot ng piso kay Tatang pero hindi na namin sya nakita.

"Naks, bait ni Josa! 'Di ba wala ka nang pera?" biro ni Yellowman.

"Kasalanan mo 'to eh. Binanatan mo 'ko nung "hindi naman pera ang binibigay ko kundi pag-asa" na linya mo!" balik biro ko.

"Bilisan mo, lalakas na naman ang ulan!"

----WAKAS----


ATTENTION: Yellowman, naalala mo pa ba kung anong ipinunta natin nun sa Robinson's? Tyaka ano nga ulit yung tinugtog na kanta nung idol mo?... lels







  
                                                                    

Comments (2)

  1. Agosto 15, 2012 nang 2:29 AM

    Nakonsensya tuloy ako sa lahat ng iningnore ko na pwede kong nabigyan ng pag-asa hehehe

  2. Setyembre 17, 2012 nang 5:58 PM

    tagalog yung kinakanta ni manong.. hehe. tantya ko sa aking munting alaala pupunta tayo ng robinson kais bibili ka yata ng damit eh..

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...