Posted by Whang | Posted in buhay pinoy, insane thoughts, tadhana at kapalaran | Posted on Martes, Abril 12, 2011
kasikatan ng araw
mainit na tanghali
nakatingala sa kalangitan
nagsusumamo sa mga ulap
tanggalin na yaring kalungkutan
at hayaang dalhin ng hangin sa kung saan
pawisan sa ilalim ng init ng araw
nanginginig ang mga kamay na makasalanan
nagtatanong kung bakit ganito ang buhay
mayroong suwerte pero madalas ang malas
sa lansangan, marami ang naghihirap
ngunit mayroong ang buhay ay kay sarap
kailan makikita ang langit?
nasaan ang dulo ng paglalakbay?
nasaan ang palasyo ng mga
walang problema?
tikum ang bibig habang lumuluha
walang nakikinig kaya hindi nagsasalita
hinahanap ay kaunting pag-asa
hinahanap ang kakampi sa gitna ng giyera
pikit-matang tumingala sa kalangitan
tahimik na nagtatanong, bakit nga ba ganyan?
kung kailan kailangan ng makakasama
saka nag-iisa!
kailan ba yayakapin ng katahimikan
yaring pagod na kaluluwa't isipan
kailan mararating ang kalangitan?
nang matigil na ang maraming katanungan
na kusang umuusbong mula sa kawalan
bunsod ng natatamasang kalungkutan.
Comments (0)
Mag-post ng isang Komento