read the printed word! Proudly Pinoy!

Hanggang sa Susunod na Pasko

1

Posted by Whang | Posted in | Posted on Huwebes, Disyembre 25, 2008

Nasaan ka ngayong Pasko?
Hindi na kita nakikita...
wala na akong balita sayo.
Kumusta ka na?
Merry Christmas nga pala!

Nakakatuwang kahit hindi na tayo nagkikita'y naaalala parin kita.

Le coeur a ses raison, que le raison connait point.

Ang sabi mo maganda ang meaning ng phrase na yan.
Bakit hindi mo sinabi sa akin ang ibig sabihin nyan?

Ilang minuto nalang ay magpapalit na ng petsa ang kalendaryo.
Simula ng bagong paghahanda sa susunod na Pasko.

Marahil ang susunod na Pasko'y mas masaya't mas nakakatuwa.
Marahil sa susunod na Pasko'y maaalala mo ako...
Pero sa susunod na Pasko, ang isip ko'y wala na sayo...

Namumuni-muni,
-X-




Panalo Na Naman Si Pacman

1

Posted by Whang | Posted in , , , , , , | Posted on Linggo, Disyembre 7, 2008

Boy_01: Sabi ng maraming Pilipino, nagiging tahimik daw ang buong bansa sa tuwing may laban ang pambansang kamao. Maayos ang daloy ng trapiko dahil karamihan ay nasa bahay lang (kung wala sa sinehan) nanonod ng laban ni Pacman sa kani-kanilang telebisyon.

Boy_02: Sabi rin nila nababawasan din daw ang bilang ng krimen tuwing may laban si Pacman. Pati daw kasi isnatser ay nagpapahinga (malamang ay nanonood din ng laban). Day-off kumbaga!

Boy_03: Hmmmm, ibig bang sabihin kung araw-araw magpapabugbog (o mangbubugbog) si Pacman sa boxing ring, araw-araw ding tahimik at mapayapa ang Pilpinas?



Ano ang Ibig Sabihin ng "Wala Lang"?

0

Posted by Whang | Posted in | Posted on Linggo, Nobyembre 9, 2008

Minsan ka na bang tinanong at sumagot ng "wala lang"?
Minsan ka na bang nagtanong at sinagot ng "wala lang"?

Hindi na bago sa dila ng mga bagong pinoy ang salitang wala lang. Kadalasan ay ginagamit itong pang-sagot sa isang tanong.

HALIMBAWA:
Tanong: Ano ang ginagawa mo?
Sagot: Wala lang.

Ito pang isa...

Tanong: Sinong iniisip mo?
Sagot: Wala lang.

Sa unang halimbawa, ang pagsagot ng wala lang ay maaaring nangangahulugang "huwag mo akong istorbohin!"

Sa pangalawang halimbawa, maaaring ito ay nangangahulugang "hindi mo kilala kaya huwag ka nang magtanong!"

Maraming ipinahihiwatig ang pagsagot gamit ang salitang wala lang. Ilan na rito ay ang mga sumusunod:
  • katamaran mag-isip
  • kawalan ng ideya kung ano ang isasagot
  • kawalan ng kasiguraduhan sa naisip na sagot
  • ayaw mong malaman nila ang sagot
Picture: Lips by KrejziSzeli on DeviantArt



Pasasalamat Para sa QuickSmash ni Boss

0

Posted by Whang | Posted in | Posted on Huwebes, Nobyembre 6, 2008

You have a security problem.

Your computer is at risk.

A virus is detected in your computer. Do you want to scan now?
(yes) (no)

Multiple threats detected.
(protect your PC now) (stay unprotected)

You have a security problem.

You have a security problem.


Kung iyan ang lalabas sa computer screen mo ng halos minu-minuto, ano ang gagawin mo? Ano ang mararamdaman mo?

Malamang mayayamot ka sa paulit-ulit na pag-close sa mga alert na iyan. At malamang ay sisimulan mo ring i-scan ang PC mo gaya ng ginawa ko. Pagkatapos ay susubukan mong i-heal ang virus na na-detect sa pamamagitan ng anti-virus na naka-install sa PC mo.

Nalaman ko'ng False Alert ang tawag sa virus na iyan.

Paano kung hindi iyan kayang i-heal ng anti-virus mo?

Lagot na!

Mabuti nalang at may Ampaw Smasher na... (*wink)

Salamat (ng naaapakalaki) sa Ampaw Smasher, gayon din sa utak na nasa likod nito.
Arigato Marco-sama...

Para sa karagdagang impormasyon, magpunta lamang DITO.



Teorya ng Ebolusyon?

10

Posted by Whang | Posted in , | Posted on Linggo, Nobyembre 2, 2008

"Ang tao ay posibleng nagmula sa unggoy!" ayon sa teorya ni Charles Darwin.

Mula sa Hominid Primates (25 milyong taon ang nakaraan), naging Homo Habilis na sinasabing gumawa ng mga kasangkapan at kagamitan mula sa bato at buto ng hayop (2.3 milyong taon ang nakaraan).

Naging Homo Erectus na pinaniwalaang unang gumamit ng apoy sa pagluluto at ang unang lahi umano na nakapaglakad ng tuwid (1.8 milyong taon ang nakaraan).

Naging Homo Neanderthalensis (250,000 years ago) bago naging Homo Sapiens (100,000 taon ang nakaraan hanggang sa kasalukuyan). Ang salitang Sapien ay nangangahulugang matalino.

At mula sa pagiging homo Sapiens...

...ito ang aking nakita...

Takte namannn!


Larawan mula kay Google




PILA...

0

Posted by Whang | Posted in , , , , , , | Posted on Sabado, Nobyembre 1, 2008

Ako ay lulan ng isang dyip na bumibiyahe papuntang Boni nang mabasa ko ang isang kakaibang karatula sa isang kanto kung saan nakapila ang mga tricycle.

Isang karatulang talaga namang nagpataas ng aking kilay!

Ang nakasulat?

PILA NG MGA KOLORUM
11 PM



Pilipino Ka Ba?

0

Posted by Whang | Posted in , , , , , , , | Posted on Biyernes, Oktubre 3, 2008

Nakatira ka sa Pilipinas.
Kayumanggi ang iyong balat.
Sapat na ba iyan para tawagin kang Pilipino?

Pilipino ang Tatay mo. Pilipino ang Nanay mo.
Filipino ang nakalagay sa citizenship ng birth certificate mo.
Sapat na ba iyan para tawagin kang Pilipino?

Memoryado mo ang Panatang Makabayan.
Memoryado mo ang liriko ng Lupang Hinirang.
Sapat na ba iyan para tawagin kang Pilipino?

Nakakapagsalita ka ng Tagalog.
Alam mo ang mga pinaka-sariwang pangyayari sa bansa.
Sapat na ba iyan para tawagin kang Pilipino?

Alam mo ang lahat ng kanta ng Eraserheads.
Hindi mo pinapalampas ang bawat laban ni Manny Pacquiao.
Sapat na ba iyan para tawagin kang Pilipino?

Alam mo ang pagkakasunod-sunod ng mga presidente ng Pilipinas
mula kay Emilio Aguinaldo hanggang kay Gloria Macapagal Arroyo.
Sapat na ba iyan para tawagin kang Pilipino?

Kilala mo sina Rizal, Bonifacio, Mabini, Jacinto, del Pilar at lahat ng bayani ng bansa.
Isang malupit na 1.00 ang marka mo sa History.
Sapat na ba iyan para tawagin kang Pilipino?

Ang pagiging isang tunay na Pilipino ay nasa puso!

Wala sa marka ng class card o sa kapirasong papel ng birth certificate.
Wala sa kung ano ang memoryado o sa kung ano ang alam.
Wala sa kung ano ang lingwahe na kayang bigkasin o sa kung ano ang tinatangkilik.

Subalit, ang kamangmangan sa mga mumunting bagay na ito ay isang kalapastanganan sa pagiging Pilipino mo.



Sa Iyo Kaibigan

0

Posted by Whang | Posted in , , , , , , , , , , , | Posted on Sabado, Setyembre 20, 2008


Naalala mo ba yung dating samahan? Sabay-sabay tayong lahat lumalabas sa gate ng unibersidad. Walang nauuna. Walang naiiwan. Sabay - sabay tayong lahat tuwing kakain ng lugaw sa lugawang pag-aari ng matandang intsik sa tapat ng KAF. Sabay-sabay tayong kumakain ng chese corn, o di kaya'y kwek-kwek, o di rin kaya'y fishball sa kanto malapit sa Bebe's Balloons. Naalala mo ba yung mga panahong dinadayo natin ang siomai house sa labas ng Topway, o ang Takuyaki sa Mega? Naalala mo ba yung mga masasayang kwentuhan habang may foodtrip sa mesa? Ako naaalala ko. Siguro dahil gutom na ako. O siguro dahil sa liham mo.

Masaya akong nakikipag-kwentuhan sa kanila nang mapansin kita sa bandang dulo ng silid na kinaroroonan. Magdadalawang buwan na rin pala tayong hindi nakakapag-usap kaibigan. Magdadalawang buwan. Eksaktong limampu't anim na araw. Hindi ko napansin, matagal na pala. Marahil dahil pinilit kong huwag pansinin ang oras. Marahil dahil pareho tayong abala sa skwela. Marahil dahil pareho naman tayong naging masaya kahit wala ang isa't isa. O maari ring sa simpleng kadahilanan na pareho tayong walang pinagsisisihan.

Gayun pa man, sa ating pagkakalayo'y may ilang bagay akong natutunan (na sana'y natutunan mo rin!)

Una, huwag mong pagsisihan ang mga bagay na ginawa o nagawa mo dahil sa isang banda iyan ay ginusto mo din.
Pangalawa, malaki ang pagkaka-iba ng tao sa tao (kahit pa pareho silang tao).
Ito ang aking tugon sa iyong liham kaibigan. Inaamin kong hindi ko inaasahang sa ganung paraan mo ako kakausapin. Gayun pa man, nagpapasalamat ako sa pagkakaroon mo ng oras na sulatan ako.

Hanggang sa muli kaibigan ko...







Isang Linggong Parusa

0

Posted by Whang | Posted in , , , , , , , , | Posted on Huwebes, Setyembre 18, 2008

Lunes.
Umulan.Matrapik.
Payong ay di dala.
Pati sapatos ay basang - basa.

Martes.
Muling umulan.
Muling nagkatrapik.
Wala na nga ang payong,
inabot pa ng baha.

Miyerkules.
Mas matindi ang ulan
Mas matindi ang trapik
Mas matindi ang baha
Payong na naiwan
ngayo'y hanap - hanap sa gitna ng ulan

Huwebes.
Pilit nilabanan ang katamaran
Payong ay hindi na muling kinalimutan
Subalit hindi naman umulan
Wiset ang tanging nabanggit ng labing makulit.

Biyernes.
Matindi ang init
Payong ay iniwan
Pamaypay ang bitbit
Subalit kasabay ng paglubog ni haring araw,
ay ang pamumuo ng maitim na ulap
na siyang sumakop sa kalangitan.

Huli na nang naisip
Nasa gitna na ng ulang malupit






Ang Makabagong Bobo

0

Posted by Whang | Posted in , , , , , , , , | Posted on Martes, Setyembre 16, 2008

Modernong panahon
Modernong mundo
Modernong bobo
Nawa'y ikaw na ang huli
Subalit imposible...
-
Oo. Isa ka sa mga makabagong hunghang
ng bagong henerasyon.
-
Ikaw na biniyayaan ng talino
Talinong ginamit mo sa panlalamang
Talinong ginamit mo sa maling pamamaraan
-
Ikaw na may maraming alam
subalit nagtatanga - tangahan
-
Ikaw na nakapag -aral at nagkamit ng titulo
subalit sa landas ng kamalian nagtungo
-
Ikaw na higit na may alam kung ano ang di wasto
subalit ang di wasto'y siya mong ginagawa
-
Ikaw na ang paninindigan
ay ipinagpalit sa pera
-
Ikaw na kusang naglagay ng piring sa iyong mga mata
upang maitago ang katotohanan
sa sarili at sa iba
-
Ikaw na naglabas ng armas at sandata
upang makamit at mapanatili
ang kapayapaang asam ng bawat isa
-
Ikaw na matatag at maprinsipyo
subalit sa sariling kasinungalinga'y naniniwala na
-
Marami ang sa iyo'y sawa na
Magsawa ka na rin sana
At kung hindi man,
sana'y iyong maalala
ang mga simpleng turo noong elementarya...





Biyahe

0

Posted by Whang | Posted in , , , , , , , , , | Posted on Miyerkules, Setyembre 10, 2008

Ako'y kumuha
ng barya sa'king bulsa
Otso - singkwenta...
_

Bulsa'y gumaan
Ipon ay nabawasan
Ngunit ayos lang...
_

Dyip ay tumakbo
sa kahabaan ng Shaw
kahit di puno...
_

Naupo ako
ng dalawang minuto
Isip nasa'yo
_

Dyip ay huminto
sa gusaling tinuro
di kalayuan...
_

Nakakabigla
Sobrang lapit lang pala
Kung alam ko lang...
_

Ako'y nagsisi
Wala na ang eyt - pipti
Naglakad nalang sana....






Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...