read the printed word! Proudly Pinoy!

Isang Pahina Para Kay Miss Corazon

0

Posted by Whang | Posted in , , , | Posted on Miyerkules, Agosto 3, 2011

Si Miss Corazon?
Hindi ko sya nakasama ng ganoon katagal.

Kilala ko lang sya sa pangalan noong bata ako. Madalas ko kasing marinig ang pangalan nya lalo na tuwing may dumadating na package sa bahay galing Amerika.

High school na ako nung una ko syang makita ng personal. Halos kasing-height ko lang pala ang taong taong tinitingala ng marami naming kamag-anak at kakilala doon. Kapatid pala sya ng lola ko na higit siyam na taon nang nanirahan sa ibang bansa. Bago iyun ilang taon din muna syang nanirahan at nagtrabaho sa Maynila. Kaya pala noon ko lang sya nakita.

Librarian si miss Corazon bago sya nag-abroad. Ni hindi ko nga alam na siya pala ang may-ari nung sangkatutak na libro sa bahay ng lola ko na kinatutuwaan ko namang basahinmula noong elementary. Hanggang ngayon nandoon parin sa iisang aparador ang mga libro niya--- naghihintay basahin ng kung sino.

Nasa dugo ni Miss Corazon ang pagiging guro kaya kahit retirado na, madalas nyang tipunin sa bahay ang mga pinsan ko para turuan ng kung anu-anong kantang pambata. Minsan pa nga pinilit pa nya akong sumali sa kantahan nila kaya mula nun nagpapanggap na akong busy tuwing may kausap na syang bata.

Baa Baa Black Sheep
Have you any wool?
Yes sir, Yes sir, three bags full…

Isa yan sa mga paborito nyang ituro sa bunso kung kapatid… with matching actions pa yan!

“Don’t do for tomorrow what you can do for today.”

Yan naman ang paborito nyang sabihin sa akin--- tipong four times a week. Ewan ko ba. Likas yata kasi ang takteng katamaran sa katawan ko. 

Ilang buwan ko ring nakasama sa iisang bahay si Miss Corazon. Sa ilang buwan na yun, marami akong narinig na kwento tungkol sa samu’t saring karanasan nya sa buhay. Marami rin akong nakuhang sermon at pangangaral. (Syempre, pwede ba namang wala?) Pagkatapos nun, matagal kaming hindi nagkita pero tanda ko pa na pilit pa nya akong tinutulungan nung mga unang taon ko sa kolehiyo.

Kahit may edad na, malakas at mahilig paring bumiyahe si Miss Corazon. Kaya nga laking gulat ko nung makita ko sya noong isang taon. Kagagaling lang nya sa sakit nung dinalaw ko sya. Nakakagulat ang biglaang pagbagsak ng katawan niya… pati alaala nya bagsak din. Hindi na kasi nya kami nakikilalang bigla pagkatapos nyang ma-stroke. Bakas sa mukha nya ang panghihina pero hindi parin nawala yung ngiti sa labi nya na madalas kung makita noon tuwing nagtuturo sya.
Nilapitan ko sya, kinamayan, sabay tanong kung kilala pa nya ako. Ngumiti lang sya, pinisil ang kamay ko, ngumiti ulit, hindi nya maalala kung sino ako kaya hinalikan na lang nya ako sa pisngi sabay tanong ng “Kumusta sa inyo?”

Ngayong araw lang natanggap ko ang balita na tuluyan nang namaalam si Miss Corazon--- isa sa mga taong pinagkautangan ko ng loob at humubog narin sa katauhan ko. Maiksi man ang pinagsamahan namin, hindi na mabubura ang mga bakas ng alaala na iniwan nya…

Maraming salamat…

Isang espesyal na pahina at maraming patak ng luha para kay Tiya Coring… 



Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...