"Hindi ako papapasukin ng guard. Naka-sandals ako eh," nag-aalala
nyang sabi. Bawal kasi sa school nila yung hindi naka-close shoes. At kung
naka-close shoes ka na, bawal naman ang hindi black.
Sabay silang lahat na napatingin sa paa ni B2.
"Hindi bale, black naman yang sandals mo," biro ni Mami.
Si Tao naman, mabilis na nag-isip ng strategies kung paano sila makakapasok
nang hindi nasisita.
"Dasal nalang tayo na sana hindi mapansin ni Manong Guard. O kaya sana
tamarin syang manita," si Tao.
Walang umimik.
"Eh kung dumaan nalang kaya tayo sa daanan ng mga walang I.D?" si Tao
ulit.
Tahimik na nag-isip ang lahat. May sekretong daanan kasi ang mga walang ID
papasok sa school grounds (na hindi na masyadong sekreto ngayon...lol). Pwede!
Pwede narin sigurong dumaan doon ang estudyanteng walang sapatos... ^^
"Bakit ka ba kasi naka-sandals?" biglang tanong ni B1.
Sumimanot si B2. "Kasi yung sapatos ko parang konting lakaran nalang
mamamaalam na sya kaya itinago ko muna sa locker doon sa taas para magamit ko pa
bukas. Wala pa kasi akong pambili ng bago."
"Eh di yan na lang ang sabihin natin kay Manong Guard."
"Hindi pwede. Baka kasi kumpiskahin nila tong sandals ko tapos hindi narin
nila ibabalik. Sira na nga sapatos ko mawawalan pa ako ng sandals."
Sabagay, may punto kasi si B2. May nangyari na kasing ganoong kaso na hindi na
sinauli ng DSA officer yung nakuhang sandals ng isang babaeng estudyante.
Sinubukan pang magdahilan nung estudyante (kasi Natasha yung sandals nya... may
kamahalan din yata). Pero sagot nung DSA officer, "Bakit? Sa customs kapag
may nakumpiska, sinasauli ba nila?"
Haaaay! Napapa-iling nalang si B1 tuwing naaalala nya yung tagpong yun. May
pa-customs-customs pa kasing nalalaman, eh yung ibang nakumpiska nila binabalik
naman sa may-ari. Naisip nalang nya baka magka-size yung estudyante at DSA
officer kaya ayaw nang ibalik yung sandals! Pwedeee!
Mabilis silang nakarating sa Chowking. Iisa ang direksyon ng tingin nila nang
makapasok doon--- sa glass door na papunta sa loob ng school. Pero may problema
na naman.
"Anak ng! Sinabi ba sa horoscope mo kanina na mamalasin ka ngayong araw
B2?" pabirong tanong ni Mami.
May guard na nakabantay malapit sa pinto. Pati si Tao nagulat. Noon lang kasi
nagkaroon ng bantay doon.
"Pahiramin nalang natin ng sapatos si B2. Dalawa muna ang papasok. Tapos
babalik ang isa dala ang sapatos nung isa," suhestiyon ni Tao.
"Ako na magpapahiram. Magka-size naman kami ni B2 eh," presenta naman
ni B1.
Kaya nagmadaling pumasok ng school si B1 kasama si Mami. Nagtago pa sya sa
likod ng isang kulay itim na SUV bago hinubad ang sapatos at inabot kay Mami.
Ilang sandali pa, mag-isa na lamang sya sa pinagtataguan.
Inabala nya ang sarili sa pagte-text habang hinihintay ang tatlo. Kampante sya
na walang nakakita sa kanya nang magtago sya roon kaya naman laking gulat nya
nang matuntun ni Manong Guard ang pinagtataguan nya. Dala-dala na nito ang I.D.
ni B2...
Lagot na! naisip ni B1.
"Psst hoy! Halika rito. Akin na ang I.D. mo. SApatos mo ba to?"
Sunod-sunod ang tanong ni Manong Guard habang itinaas ang dalang sapatos.
Pagkatapos, "Ayos kayo ah, tara, sa DSA kayo magpaliwanag."
Nakakaloko pa yung ngiti ng
guard. Akala mo nakahuli ng kriminal. Umani ito ng irap mula kay B1.
Pero at least ginagawa nya ang
trabaho nya,
naisip niya.
"Ano ba naman, ilang taon
na kayong pumapasok dito, hindi nyo pa ba alam ang rules?" simula nung
babaeng masungit na naka-ponytail ang buhok. "At ikaw, akala mo ba
nakakatulong ka sa ginawa mo?" baling nito kay B1.
Hindi sanay manahimik si B1 pero
hindi sya sumagot. Inaalala nya kasi si B2. Hindi ito sanay magkaroon ng record
sa DSA, hindi kagaya nya na ilang beses nang nahuling lumabag sa kung anu-anong
rules. Kung sasagot sya posibleng bibigat pa ang parusa nila.
"Ibig sabihin naka-medyas
ka lang habang hinihintay mo silang maka-pasok?" mataray na tanong nung
babae kay B1. Mukhang pinag-iinitan na sya nito. Matatalim kasi ang mga tingin
na ipinukol nya rito.
"Sumagot ka!"
singhal nito.
Tumango lang si B1. Pero sa
loob nya, Putek! Malamang! Eh nasa kanila nga yung sapatos ko di ba?
"Wow grabe ka! Paano kung
biglang dumating si pangulong Arroyo tapos makita ka nyang nakatayo sa sulok na
naka-medyas lang!"
Tahimik parin si B1 pero sa
loob-loob nya, Huwag mo nga akong pinaglololoko! Nasa Amerika si
Gloria, paano sya mapupunta rito?
"Ikaw, hindi mo ba alam
na bawal ang sandals? O talagang matigas lang ang ulo mo?" si B2 naman ang
kinakausap nito. Sinabi ni B2 ang dahilan nya habang mabilis na namuo ang luha
sa mga mata. Lalo namang yumabang yung babae.
Sunod-sunod ang pag-iling ng
babaeng taga-DSA. Pagkatapos, "Maam, anong punishment ang ibibigay ko dito
sa dalawang to?" tanong nito sa isang may edad nang babae sa tabi nya.
Mukhang busy ito.
"Bahala ka na."
"Two days suspension na
to ma'am," mayabang nitong sagot habang nakatingin at nakangiti kay B1.
Suspension? Eh bakit yung
kasabay namin na nahuli ring naka-sandals pinabili lang ng halaman?
"O narinig nyo? Suspended
kayo ng dalawang araw!"
Magrereklamo pa sana si B1
nang biglang magsalita si B2. "Ma'm baka naman pwedeng bumili nalang rin
kami ng halaman?"
Ngumiti ang babae. "Anong
halaman ang bibilhin nyo? Baka naman bigyan nyo kami ng puro dahon ha? Yung
namumulaklak naman ang bilhin nyo."
"Sige po basta wag lang
suspension," si B2.
"O sige. Tig-iisa kayong
halaman. Dalhin nyo bukas para makuha nyo tong I.D. nyo."
Gago ka! Gusto mo lang pala
kaming magmakaawa! Dalhan kaya kita ng kalabasa? Namumulaklak pala ha! sigaw ulit ng utak ni B1.
Saglit na tumayo ang masungit
na babae. May kinuhang kung anong form sa kabilang mesa. Hindi sinasadyang
mapatingin ni B1 sa paa nito. Napataas ang kilay nya.
NAKA-TSINELAS SI GAGO!!!